CAVITE – Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Cavite Police hinggil sa natagpuang bangkay ng isang menor de edad na babae sa ilalim ng tulay sa Dasmariñas City noong Lunes ng gabi.
Ang biktimang si alyas “Jean”, estudyante, ng Brgy. Fatima, Dasmariñas City, ay halos nangangamoy na ang bangkay at hindi na makilala dahil durog ang mukha nang matagpuan ito.
Hawak na ng pulisya ang suspek na kinilalang si alyas “Christian”, na may mga kasong alarms and scandal, disobedience at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002.
Nauna dito, ini-report ang biktima na ilang araw nang nawawala hanggang sa natagpuan ang bangkay nito sa ilalim ng isang tulay sa Brgy. Fatima 1, Dasmariñas City, dakong alas-7:30 ng gabi.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pinatay ang biktima gamit ang isang pulang tela na itinali sa leeg nito.
Ayon naman sa “intimate partner” ng biktima na kinilalang si alyas “Maymay”, isa ring menor de edad, tinangka rin umano siyang patayin ng suspek.
Dagdag pa ng pamilya ng biktima, bago natagpuang patay ang biktima ay nasa Maynila ito.
Isinailalim sa autopsy examination at deoxyribonucleic acid o DNA ang bangkay upang malaman ang naging sanhi ng pagkamatay nito.
(SIGFRED ADSUARA)
