ARESTADO ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group sa manhunt operation ang isang suspek sa kidnapping sa Hobbies of Asia, Pasay City noong Hunyo 21, 2022.
Ayon sa ulat ni CIDG-RFU-NCR Director Police Colonel Randy Glenn Silvio kay PNP-CIDG Chief Police Maj. General Eliseo DC Cruz, kinilala ang nadakip sa ikinasang CIDG Flagship Project OPLAN PAGTUGIS and OPLAN SALIKOP, na si Nino Jorino Ocampo Ledesma alyas “Jino Ledesma”, nasa hustong gulang, dating piloto ng AirAsia at residente ng San Jose, Alabang, Muntinlupa City.
Napag-alaman, nagsagawa ng manhunt operation ang magkasanib na puwersa ng CIDG-NCR at Southern DFU (lead unit) laban sa suspek sa bisa ng warrant of arrest sa kasong ‘kidnapping by simulating public authority’ na walang inirekomendang pyansa, na inisyu ni Presiding Judge Pia Cristina B. Bersamin-Embuscado ng NCR RTC Branch 198, Las Piñas City na may petsang Abril 8, 2022.
Agad namang nadakip ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya na ng CIDG NCRFU Office para sa booking and documentation.
Ang nasabing suspek ay natukoy na miyembro ng Maverick Sapitana criminal group na responsable sa pagkidnap kay Don Chiyuto, founder/owner ng multimillion investment scam o double your money scheme na nambibiktima ng potential investors sa Region 6.
Ang suspek ay kabilang sa top most wanted persons, regional level ng CIDG NCR.
600 