DATING PULIS TODAS SA PAMAMARIL SA TAYABAS

TAYABAS CITY – Patay ang isang dating pulis matapos na pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa Brgy. San Isidro, Zone 1 sa lungsod na ito, noong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang si Kim Palanca Labado, 36, dating miyembro PNP at nakatalaga sa Tayabas City Police Station.

Batay sa report ng pulisya, nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan nang dumating ang suspek at bigla na lamang itong pinagbabaril gamit ang maiksing kalibre ng baril dakong alas-2:00 ng madaling araw.

Tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na namatay noon din.

Mabilis namang tumakas ang suspek na nakasuot lamang short na pang-ibaba at itim na jacket.

Napag-alaman, ang biktima na noon ay may ranggong police corporal, ay isa sa 11 pulis na miyembro ng Tayabas City PNP na kinasuhan, kasama ang kanilang hepe, kaugnay sa pagkamatay ng anak ng isang lokal na opisyal sa Quezon Province.

Pinawalang sala ng korte ang 9 sa mga pulis kabilang si Labado, matapos madetermina ng korte na walang direktang partisipasyon ang mga ito sa krimen na nangyari noong Marso 14, 2019.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang posibleng motibo sa krimen at kung sino ang suspek. (NILOU DEL CARMEN)

237

Related posts

Leave a Comment