MULING nadagdagan ang bilang ng mga pinaslang na Pilipinong mamamahayag makaraang barilin ng di pa nakikilalang salarin ang dating reporter ng Saksi na si Dondon Dinoy sa Bansalan, Davao del Sur.
Sa paunang ulat ng pulisya, bandang alas 6:00 ng hapon nang pasukin ng di pa nakikilang hitman ang broadcast booth ni Dinoy sa kanyang tinutuluyang apartment, kung saan siya binaril nang malapitan. Dead on the spot ang biktima.
Si Dinoy ay reporter ng Newsline.Ph at blocktime anchor ng Energy FM sa Digos City.
Ayon sa National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), iniimbestigahan na ng Bansalan PNP ang motibo ng krimen.
Batay sa Global Impunity Index 2021 ng Committee to Protect Journalists’ (CPJ), nasa ika-pitong pwesto ang Pilipinas sa mga itinuturing na “worst countries” pagdating sa mga hindi nareresolbang kaso ng pagpaslang sa mga journalist.
Sa talaan ng 180 bansang tinututukan ng Reporters Without Borders – isang international organization na nagbabantay sa hanay ng mga mamamahayag sa iba’t ibang panig ng mundo, lumalabas na nasa ika-132 pwesto lamang ang Pilipinas sa mga bansang ligtas para sa mga mamamahayag.
Sa nakalipas na sampung taon, 13 kaso pa ng pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa ang hindi pa rin nareresolba – kabilang ang pamamaslang kay Gwen Salamida ng Saksi Ngayon.
