DATING USEC BERNARDO, PURO PARATANG LANG

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAGKAROON ng face-off ang nag-aakusa at mga inaakusahan sa isinagawang Senate Blue Ribbon Committee hearing nitong Lunes.

Sa naturang pagdinig ay mariing itinanggi ng negosyanteng si Maynard Ngu ang mabibigat na paratang ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo. Naging mahalagang pagkakataon ang pagdinig para kay Ngu upang diretso niyang itanggi ang paratang na tumanggap umano siya ng P160 milyon at P280 milyon mula sa flood control projects.

Hindi rin naiiba ang tindig ni dating DepEd Usec. Trygve Olaivar. Ang alegasyon na humingi raw siya ng 15 porsyentong kickback mula sa DPWH projects na nagkakahalaga ng P2.85 bilyon, na umano’y para sa isang misteryosong “ES,” ay kanyang mariing itinanggi. Ayon kay Olaivar, wala siyang kinalaman, wala siyang koneksyon, at lalong wala siyang “personality” para humingi o maghatid ng anomang pabor sa sinomang opisyal.

Sa puntong ito, dalawang panig ang narinig ng publiko at hindi lang iisa ang may mikropono.

Dito dapat mag-ingat ang lahat, lalo na ang publiko at ang social media jury na mabilis magpataw ng hatol. Ang mga akusasyong inilahad sa Senate Blue Ribbon hearings ay hindi pa katotohanang napatunayan, kundi mga alegasyon pa lamang. Wala pang pinal na findings. Wala pang desisyon. At higit sa lahat, wala pang conviction.

Madaling makalimot na ang Senado ay hindi korte. Ang layunin ng mga pagdinig ay mangalap ng impormasyon upang makatulong sa paggawa ng batas at hindi upang agad magdeklara ng may sala. Sa ilalim ng ating sistema ng hustisya, nananatili ang presumption of innocence, gaano man kabigat o kaingay ang paratang.

Hindi rin awtomatikong nagiging ebidensya ang isang alegasyon dahil lang ito ay binigkas sa ilalim ng panunumpa. Ang due process ay hindi dekorasyon sa Konstitusyon kundi pundasyon. Kung may ebidensya, dapat itong iharap sa tamang forum, may dokumento, may corroboration, may malinaw na paper trail. Kung wala, ang nangyayari ay trial by publicity, kung saan reputasyon ang unang naparurusahan kahit wala pang hatol.

Kung susuriing mabuti ang mga pahayag ni Bernardo, kapansin-pansin ang kakulangan sa matitibay na patunay. Iisa ang pinanggagalingan ng mga akusasyon, maraming pangalan ang nadawit, ngunit kapos sa dokumento at konkretong ebidensya. Ang isang affidavit, kung walang kalakip na patunay, ay panimula pa lamang ng imbestigasyon, hindi katapusan ng usapin.

Sa napakalaking isyu ng katiwalian sa flood control projects—na matagal nang problema ng bansa—hindi makatarungan na gawing sentro ang iilang tao batay lamang sa mga pahayag na hindi pa lubusang nasusuri. Mas mapanganib kung papayagan nating ang ingay ang manaig kaysa ebidensya.

Ang pagharap nina Ngu at Olaivar sa pagdinig ay hindi pag-amin ng kasalanan. Isa itong paggamit ng kanilang karapatan na humarap, magsalita, magpaliwanag, at pabulaanan ang mga akusasyon sa ilalim ng panunumpa. Iyan ang diwa ng tunay na transparency: hindi takbuhan, hindi taguan, kundi harapang sagutan.

Ang tunay na kalaban dito ay hindi lang ang sinasabing mga personalidad, kundi ang sistema ng katiwalian mismo. At kung nais talaga nating linisin ito, kailangan natin ng katotohanan na suportado ng ebidensya, hindi ng tsismis na pinalaki ng headline at hinusgahan ng feed.

Sa hustisya, hindi sapat ang paratang. Katotohanan dapat.

97

Related posts

Leave a Comment