SA kabila ng banta ng COVID-19, pangunahin pa ring binabantayan ng Department of Agriculture (DA)-XI ang lagay ng African Swine Fever (ASF) sa rehiyon, partikular na ang Davao Oriental at Davao de Oro.
Sa Davao Oriental, kinumpirma ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL)-XII na ang isinumiteng samples mula Mati City ay ASF-positive, sa isinagawang meeting ng DA-XI kasama ng City Veterinarian’s Office noong Disyembre 17, 2020, upang talakayin ang mga hakbang na ipinatupad ng LGUs para sa disease control and prevention.
Ang Mati City LGU ay nagkaroon ng meeting kasama ng ASF Task Force para gumawa ng pamamaraan na mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit, at tinalakay ang paglalagay ng quarantine checkpoints sa mga apektadong lugar at ipinangakong maglalaan ng P2,000 per pig para sa apektadong hog raisers.
Ang depopulation activities ay patuloy sa mga apektadong barangays – Brgy. Don Salvador Lopez na may 24 baboy na pinatay; Brgy. Tagbinonga, 50 baboy ang pinatay, at Brgy. Buso na 52 baboy ang pinatay. May kabuuang 126 baboy na pinatay at umabot sa 58 ang apektadong mga magbababoy sa Mati City.
Sa Banay-Banay, ay may kabuuang 68 baboy ang na-depopulate matapos kumpirmahin ng RADDL-XII na isa sa hog raiser ay may ASF-positive pigs, may dalawang namatay at dalawa ang nagpakita ng mga sintomas.
Sa Tarragona, may kabuuang 52 baboy rin ang na-depopulate pagkatapos kumpirmahin ng RADDL-XII na ang samples mula sa mga apektadong baboy sa area ay ASF positive.
Sa Baganga, ang Municipal Administrator ay nagpresenta ng kanilang ASF TF na may budget na nakalaang P150,000 para sa ASF sa kanilang munisipalidad pagkatapos ng kanilang meeting, kasama ng personnel mula DA-XI at PVO Davao Oriental. Pagkatapos ng meeting ay isinagawa ang depopulation sa mga baboy.
Nagsagawa rin ng depopulation sa Boston, matapos lumabas na positibo sa disease investigation at sample collection ng PVO Davao Oriental at LGU Boston. Ang MAO ay pinagbilinan kaugnay sa ASF protocol at karagdagang preventive measures.
Ang RADDL-XII ay nagkumpirma rin ng mga kaso ng ASF sa Davao de Oro, partikular sa Brgy. Kingking, Pantukan. Kung kaya’t nagsagawa ng depopulation at 31 baboy ang pinatay mula sa walong apektadong hog raisers.
Isang biik naman mula sa Brgy. Kingking, Pantukan na dinala sa Brgy. Siocon, Compostela ang nagkalat ng sakit.
Umabot sa 223 baboy ang pinatay mula sa 53 apektadong hog raisers sa lugar.
Sa Montevista, nagsagawa ng disease investigation at sample collection sa isang commercial hog farm sa Brgy. New Visayas matapos ang respiratory signs ng sakit at inobserbahan sa Grower- Finisher area ng farm.
Sa kabila na ginagamot ang mga baboy ay namatay ang mga ito at ang samples ay ipinadala sa RADDL-XII na kung saan ay nakumpirmang ASF positive. (JOEL O. AMONGO)
