DBM naglaan ng ₱1.28-T para sa edukasyon; unang pagkakataon na lalampas sa 4% ng GDP ang pondo ng PH

Kinumpirma ng Department of Budget and Management na makatatanggap ang sektor ng edukasyon ng record-high na ₱1.28 trilyon sa House-approved Fiscal Year 2026 national budget, ang kauna-unahang pagkakataong umabot at lumagpas ang pondo sa 4% ng Gross Domestic Product ng bansa.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang naturang alokasyon ay patunay ng matatag na paninindigan ng pamahalaan na gawing pangunahing puhunan ang edukasyon para sa pangmatagalang pag-unlad ng Pilipinas.

“Pinapakita nitong pag-abot natin sa 4% kung gaano kaseryoso ang gobyerno sa pag-invest sa ating education system. Hindi po tayo tumigil sa pag-prayoridad sa ating mga guro, mag-aaral, classrooms, at skills training,” sabi ni Pangandaman.

Isa ito sa pinakamalalaking education budgets sa kasaysayan ng bansa. Mula sa orihinal na ₱1.224 trilyon sa National Expenditure Program (NEP), nagdagdag ang House of Representatives ng ₱56.6 bilyon kaya’t umabot ang kabuuan sa ₱1.28 trilyon o 4.1% ng GDP.

“Ang milestone na ito ay tugma sa rekomendasyon ng UNESCO na ang education financing ay dapat nasa pagitan ng 4% hanggang 6% ng GDP o 15% hanggang 20% ng kabuuang public spending,” dagdag niya.

Sasaklawin ng pondo ang buong education sector: DepEd, State Universities and Colleges (SUCs), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

“Ibig sabihin, nakakahabol na tayo sa level ng maraming developed countries pagdating sa investments sa edukasyon. Kung ang ekonomiya ang katawan, ang edukasyon ang puso. Sisiguraduhin nating malusog at patuloy na tumitibok ang puso ng ating bansa,” ani Pangandaman.

Para mas palakasin ang imprastrukturang pang-edukasyon, ₱35.1 bilyon mula sa dagdag na ₱56.6 bilyon ay inilipat mula sa ilang adjustments sa Department of Public Works and Highways (DPWH) partikular mula sa flood control projects upang palakasin ang Basic Education Facilities Fund (BEF).

Umakyat sa ₱1.38 trilyon ang kabuuang education sector budget katumbas ng 12% ng national budget at 4.5% ng GDP, ang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa.

Sa halagang iyon, ₱992.7 bilyon ang mapupunta sa DepEd, 8.6% na pagtaas o dagdag na ₱78.5 bilyon. Malaking bahagi nito ay para tugunan ang matagal nang kakulangan sa basic education lalo na ang backlog sa classrooms. ₱68 bilyon naam ang inilaan para sa pagpapatayo ng 19,000 hanggang 27,000 bagong silid-aralan sa buong bansa.

Palalakasin din ang suporta para sa mga mag-aaral. Ang School-Based Feeding Program ay dodoble mula ₱13 bilyon tungo sa ₱28.66 bilyon na magagamit sa loob ng 200 school days at makinabang ang humigit-kumulang 4.8 milyong bata.

Samantala, tataas nang husto ang pondo para sa textbooks mula ₱11 bilyon tungo sa ₱29 bilyon para tugunan ang kakulangan ng learning materials.

Para sa learning recovery, ang pondo sa ARAL Program na nagbibigay ng Math at Reading tutoring, ay tataas mula ₱5.623 bilyon tungo sa ₱8.93 bilyon upang suportahan ang 440,000 tutors at mahigit 6.7 milyong learners.

Para sa mas mataas na edukasyon, makatatanggap ang CHED ng ₱48.2 bilyon, 11% na pagtaas mula sa nakaraang taon.

Kasama rito ang ₱6.6 bilyon para sa Tertiary Education Subsidy (TES) na sasalo sa 490,000 incoming college students mula sa 4Ps households. Tatanggap ang mga benepisyaryo ng ₱20,000 kung naka-enroll sa public HEIs, at ₱27,000 kung sa private HEIs sa mga lugar na walang malapit na public college o unibersidad.

Samantala, tataas din ang pondo ng TESDA mula ₱23.5 bilyon tungo sa ₱25.3 bilyon, kasama ang karagdagang ₱5.1 bilyon para sa Training for Work Scholarship Program (TWSP) na layong magsanay ng 190,000 Pilipino sa priority skills.

Tataas din ang pondo ng SUCs mula ₱131.7 bilyon tungo sa ₱140.3 bilyon para palakasin ang facilities, academic programs, at research capabilities ng mga kampus sa buong bansa.

Binigyang-diin ni Pangandaman na nakahanay ang 2026 budget sa layunin ng Philippine Development Plan 2023 – 2028 at sa Bagong Pilipinas vision ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong magkaroon ng isang Pilipinas na mas makabago, mas competitive, at mas inklusibo sa pamamagitan ng matatag na sektor ng edukasyon.

256

Related posts

Leave a Comment