CAVITE – Nagkasa ng manhunt operation ang Cavite Police laban sa tatlong lalaking magkakapatid matapos na pagtripang saksakin ang dalawang kabataang lalaki habang kumakain na nagresulta sa agarang kamatayan ng isang 12-anyos na binatilyo sa Bacoor City noong Martes ng madaling araw.
Kinilala ang napatay na si Prince Louis Albaniel, Grade 7 student, habang nasa ligtas nang kalagayan si alyas Along, 14, Grade 4 pupil, kapwa residente ng Sitio Ilat, Brgy. Ligas 2, Bacoor City.
Pinaghahanap naman ang magkakapatid na mga suspek na sina Steven Rivera, 20; Tyson Rivera, 19, at Alexander Rivera, 18, pawang mga construction worker at residente sa Tumbok Tulay F&E De Castro Village, Brgy. Ligas 1, Bacoor City.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Marvin Rae Calaor ng Bacoor City Police, dakong ala-1:00 noong Martes ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Tulay na Ilat, Brgy. Ligas 2, Bacoor City, habang kumakain ang mga biktima sa isang karinderya sa tapat ng isang resort.
Nilapitan umano ng mga suspek ang mga biktima at sinabihan ng katagang “Gabi na, umuwi na kayo”.
Nang tila hindi pinansin ng mga biktima ang mga suspek ay pinagsasaksak sila ng mga ito.
Agad nalagutan ng hininga sa insidente si Albaniel habang isinugod si alyas Along sa Las Piñas General Hospital and Satellite upang malapatan ng lunas.
Mabilis namang tumakas ang magkakapatid na kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya. (SIGFRED ADSUARA)
