Decriminalize libel, ngayon na!

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

ANYARE sa balitang mga inimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) at mga kinasuhan ng graft noon at ngayon na mga opisyales sa Bureau of Customs partikular sa Accounts Management Office ng ahensya na umano’y binigyan raw nito ng accreditation ang mga hao-shiao at ghost import and export company?

At kailan naman uusigin ang mga dating opisyales ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na umano ay may niyari raw na tax exemption sa malalaking kompanya?

Totoong maraming BIR examiner ang kasabwat sa tax evasion, tax avoidance na bilyon-bilyong pisong buwis ang nawawala sa bayan at naibubulsa lamang ng mga tiwaling negosyante at opisyal ng gobyerno.

Kailan naman kaya uusigin ang mga opisyales dati at ngayon ng Department of Agriculture (DA) at Land Registration Administration (LRA) na sangkot sa katiwalian?

Patay ang local farmers at livestock growers sa talamak na importasyon ng bigas, pork, manok, beef, sibuyas, bawang, carrots at frozen fish.

Kaya maraming sumasama sa mga rebelde kasi maraming landgrabber ang nagtagumpay na maagaw ang lupa sa mga magsasasaka at katutubo dahil kasabwat ang mga opisyal ng LRA at ng mga opisyal ng Register of Deeds sa mga lalawigan.

Kaya marami ang sumasama sa New People’s Army (NPA) kasi hindi makuha ang mga nirepormang lupa na bigay ng gobyerno at nganga lamang yata ang Department of Agrarian Reform (DAR).

Kumusta ang korupsiyon sa telecommunications at iba pang public utilities, ‘wag nang banggitin pa ang katiwalian sa LGUs na tagos hanggang sa kapitan ng barangay.

Tama ang sinabi noon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na talamak ang korupsiyon sa gobyerno at mga kasabwat na mga negosyanteng pahirap sa bayan.

***

“Walang pera ng taumbayan ang involved sa ginagastos namin!”

“Ilan lamang po ito sa mga naging istilo ng mga gustong maupo sa kapangyarihan. Pera raw nila ang ginagastos?

E, kelan ba sila gumastos ng sarili nilang pera?

E, kung iyun ngang pera ng bayan na ipinagagawa sa mga basketball court at waiting sheds na pera ng taxpayers ay kung ipangalandakan sa kanilang karatula ay “Project of Kongressman Tongpats,” paniniwalaan natin na “pera namin ang aming gagastusin” na sinasabi ni Honorable Solon?

Imagine, katakut-takot na gastusin sa infomercials ang pinakakawalan ng mga taong ito para lang paglolokohin ang sambayanang Pilipino na pera nila ang kanilang ginagastos.

Ang laki pong pera ito na kung ibibigay sa mahihirap at ipagagawa ng additional classrooms o ng kalsada o pantustos sa problema sa kalusugan ng ating mamamayan, ang ganda sana!

Kaso, manhid po yata ang mukha at singkakapal ng balat ng buwaya at rhinoceros ang mukha nila, kaya kahit nagagalit ang taumbayan, sige pa rin sila.

Kung totoo ang milagro ng mga prayer at mga kulto-kulto o mga seremonyas ng mga mangkukulam, pwede bang ipagdasal na maglaho na sila na parang mga bula.

Para medyo matahimik naman ang taumbayan sa kanilang mga walang katuturang paglulustay sa pera ni Juan dela Cruz!

***

Maraming kurso na iniaalok ng mga kolehiyo at unibersidad ay hindi tumutugma sa malaking pangangailangan ng labor market dito at sa ibang bansa.

Sa ibang bansa, ang kailangan pa rin doon ay manual work tulad ng mga welder, carpenter, laborer, ITs, nurses at mga inhinyero at iba pang gawain may kinalaman sa agrikultura, construction at iba pang lakas paggawa.

Dito dapat na ituon ng pansin ng mga paaralan ang kanilang kurikula at hindi sa kinamihasnang kursong “white collar job.”

Umaalma rin ang mga magulang dahil umarangkada na naman ang mataas na tuition, matriculation fees at iba pang bayarin sa mga paaralan.

***

Wala tayong tutol sa libelo, lalo na kung tunay na abusado ang isang mamamahayag.

Ang tinutulan po ng pitak na ito ay ang aspetong kriminal ng batas na ito na dapat inamyendahan na at mas pinaluwag pa, para ang tunay na damdamin ng bayan – sa pamamagitan ng panulat at bibig ng mga lehitimong mamamahayag ay maisiwalat.

Kailangan ang matapang na publisher, mamamahayag at brodkaster sa paglalantad ng kabulukan sa pamahalaan at ito naman kung tutuusin ang isa sa mahalagang tungkulin ng media; ang maging tanod ng bayan sa laban sa katiwalian at mga buktot na gawain ng mga nasa gobyerno.

Alisin na ang pagpapakulong sa mga nasa media: Decriminalize libel, ito na ang trend sa ibang bansa at ang bunga nito, mas lantad at mas matapat na pamamahala sa bayan.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com

31

Related posts

Leave a Comment