(BERNARD TAGUINOD)
HINAMON kahapon ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor si Quezon City Mayor Joy Belmonte na ipatigil ang illegal gambling activities sa Lungsod Quezon, partikular na ang jueteng.
Para kay Defensor, hindi magtatagumpay ang kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa jueteng at iba pang uri sugal kung walang suporta mula mismo sa lokal na pamahalaan.
“But the PNP drive will not succeed without the cooperation of Mayor Belmonte. Stopping unlawful gambling activities requires the unified effort of the police and the city government,” pahayag ni Defensor.
Kung wala aniyang suporta ng lokal na pamahalaan, iisipin ng marami na hinahayaan ni Belmonte ang operasyon ng jueteng at iba pang uri ng sugal sa lungsod kaya hindi ito masugpo ng mga otoridad.
“It is common knowledge in our city that big time jueteng operators and protectors are personally and politically very close to her,” akusa pa ni Defensor.
Naging paborito umano ng mga gambling lord sa kanilang operasyon ang QC dahil dito nakatira ang pinakamalaking populasyon sa Metro Manila.
Hindi rin umano pinayagan ng Quezon City ang casino sa kanilang lungsod “because these will compete with illicit numbers games that are flourishing in the city”.
Nabatid sa mambabatas na maraming station at precinct commander sa Quezon City ang tinanggal na sa puwesto dahil bigo ang mga ito na mapatigil ang mga ilegal na sugal.
Hiniling ni Defensor sa PNP na ipagpatuloy ang kanilang anti-illegal gambling campaign lalo na’t papalapit na ang May, 2022 elections.
“At least, that will disrupt the operations of jueteng and other illegal gambling lords who are funding certain unscrupulous politicians,” ani Defensor.
Si Defensor ay naghain na ng kanyang certificate of candidacy (COC) para sa mayoralty race sa Quezon City sa susunod na taon.
208 