DEHADO ANG OBRERO SA GIMIK NG PALASYO

SA gitna ng nagbabadyang malawakang dagok bunsod ng pagsabay ng mga pangunahing bilihin sa walang puknat na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, plano ngayon ng gobyernong gawin na lamang apat na araw ang pasok ng mga manggagawang Pilipino.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), angkop na pansamantalang ­ipatupad ang four-day work week at work-from-home set-up sa hanay ng mga manggagawa para mabawasan ang arawang konsumo ng langis na kalakip ng pagpasok sa kani-kanilang opisina, pabrika, o kung saan mang pinaghuhugutan ng ikinabubuhay para sa pamilya.
Sa isang banda, may punto ang NEDA. Dapat lang naman magtipid sa panahon ng krisis.

Ang siste, ang mga empleyado ang malalagay sa dehado sa sandaling ipatupad ang four-day work week at work from home set-up sa susunod na linggo dahil sa kawalan ng garantiyang hindi mababawasan ang sweldo at iba pang benepisyo ang mga manggagawa sa pagpapatupad ng nasabing sistema.

Ang lima o anim na araw nilang ipinapasok sa trabaho kada linggo, magiging apat na araw na lang. Nangangahulugang kaltas agad sa kanilang buwanang kita ang mga araw na wala sila sa kanilang mga opisina at pabrika.

Sagot naman ng NEDA, hahabaan na lang ang oras ng trabaho kada araw. Mula sa walong oras kada araw, gagawing 10 oras na. Ang ibig sabihin, magiging overtime pay na lang ang dagdag na dalawang oras kada araw. Ang mga manggagawang WFH, mawawalan naman ng overtime pay.

Ang totoo, kung may dapat magtipid, ‘yun ay ang mismong gobyerno dahil ang sektor ng obrero, matagal nang nagtitipid sa kakarampot na buwanang sweldong kanilang tinatanggap, katumbas ang hindi birong hirap.

May mga angkop at napapanahong tipid tips na pwedeng dinggin ng mga nasa pwesto.

Hindi naman siguro kalabisan kung limitahan ang pagbiyahe ng mga nanunungkulan gamit ang mga sasakyan ng gobyerno. Hindi rin naman ­siguro masama kung patayin ang aircon sa mga tanggapan ng gobyerno isang oras bago pumalo ang orasan sa alas 5:00 ng hapon.

O ‘di naman kaya, tularan ang bayan ng Angono sa lalawigan ng Rizal na gumagamit na ng solar panel na pinagkukunan ng enerhiya ng ilan sa kanilang mga tanggapan.

Kung sinsero ang gobyernong malunasan ang kahirapan, hindi angkop na ang mga obrerong umaasa lang sa arawang sweldo ang magsakripisyo. Hindi dapat bawasan ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa sa four-day work week na nakatakdang umpisahan sa susunod na linggo.

106

Related posts

Leave a Comment