“DEMOLITION JOBS”

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

MATATAG ang pagkondena ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan sa mga mali at mapanlinlang na balita na pumapaksa sa kanilang dalawa ng kanyang esposo, si dating DPWH Region 1 director Ronnel Tan.

Sa isang pahayag ng gobernadora sa kanyang Facebook, sinabi niya: “Hindi kailanman matitibag ng anomang paninira ang katotohanan. Sa kabila ng mga maling kwento, ang tunay na serbisyo at tapat na malasakit sa kapwa naming mag-asawa ang laging mangingibabaw. Mananatili kaming matatag dahil saksi ang ating mga kababayan”.

Nitong nakaraang linggo ay mariing binatikos ni Gov. Tan ang aniya’y “mapanlinlang na impormasyon” kaugnay sa balita ng isang Facebook news channel tungkol sa itinatayong Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas City.

Sa screen ng news channel ay may litrato ng gobernadora katabi ng caption: ‘GHOST’ HEALTH CENTER? May isa pang caption sa kabuuan ng balita na: “GHOST’ HEALTH CENTER? P480-M PONDO: HEALTH FACILITY NI QUEZON GOV. HELEN TAN, 3 TAON NA HINDI PA RIN BUO.”

Sa pahayag ni Gov. Tan sa kanyang Facebook page, madiin niyang kinondena ang news channel. “Ang paggamit ng aking larawan kasama ang nabanggit na mga caption ay malinaw na naglilihis sa katotohanan at maaaring ituring na maling impormasyon na nakalilinlang sa publiko”.

Sa katunayan aniya ay hindi ginamit ng news reporter sa kabuuan ng kanyang pag-uulat ang terminong “Ghost Health Center”. Ibig sabihin, walang binanggit ang reporter. At may mga ipinapakitang footages sa itinatayong ospital na nagpapatunay na may ginagawang proyekto. Bakit tatawaging “ghost project”?

“Bukod dito, ang simpleng paggamit ng quotation mark at question mark sa isang caption ay hindi maaaring magsilbing panangga upang bigyang-katwiran ang mga mapanlinlang na pahayag na maaring magdulot ng kasiraan,” ang argumento pa niya.

Niliwanag din ng gobernadora na ang nasabing proyekto ay pinondohan ng Department of Health at DPWH. At walang naging partisipasyon ang pamahalaang panlalawigan sa pagpopondo o konstruksyon ng itinatayong pagamutan.

Ang tanging naging papel ni Gov. Tan sa proyekto ay ang pagsusulong ng panukalang batas sa Kongreso sa pagtatayo ng nasabing ospital bilang prinsipal na may-akda noong siya ay nanunungkulang kinatawan ng 4th district ng Quezon. Ang kanyang panukalang batas ay nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong April 2022 at ginawa itong Republic Act No. 11702.

Binigyang diin ng gobernadora na kanyang iginagalang at pinahahalagahan ang kalayaan ng pamamahayag subalit nararapat aniya na ang mga kalayaang ito ay may kaakibat na pananagutan. “Hindi ito dapat gamitin upang iligaw ang publiko, siraan ang dangal ng sinoman, o pahinain ang tiwala ng mamamayan sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga caption at maling paglalahad ng mga katotohanan,” ang pangwakas niyang pahayag.

Sinomang mamamahayag ang makababatid ng katotohanan sa likod ng proyekto, babansagan na talagang may malisya at mapanlinlang ang kontrobersyal na caption na may kasama pang litrato ng gobernadora. May sapat na basehan ang galit ni Gov. Tan.

##########

Kahit si RD Ronnel Tan ay naging biktima rin ngayon ng mga mapanlinlang na balita at impormasyon partikular sa proyektong tulay na magdurugtong sa Bantay, Ilocos Sur at San Quintin, Abra. Bakit daw sasabihin na “100% complete” na ang proyekto gayung hindi pa ito tapos? Ito ang ibinabatong akusasyon laban sa kanya.

Ito ang paliwanag ni RD Tan: “Ang budget ng isang proyekto ay ibinibigay taon-taon. Kaya kung ang proyekto ng DPWH ay multi-year, ang ulat ng progreso nito ay base lamang sa pondong inilaan para sa isang taon. Ibig sabihin, kapag nakasaad sa ulat na ‘100% accomplished,’ hindi nito sinasabing tapos na ang buong proyekto, kundi natapos lamang ang mga gawain para sa taong iyon ayon sa ibinigay na pondo.”

Maliwanag na hindi pagsisinungaling kung tatakan man na “100% complete” ang proyekto dahil natapos nila ang takdang gawain batay sa programa ng pondo na inilabas para sa isang partikular na taon. Pero dahil ang proyekto ay multi-year at taon-taon ang paglalabas ng pondo, natural na hindi pa makikitang buo ang istrakturang itinatayo.

Sa sinomang may balak na linlangin ang publiko, madali nila itong gawin. Bakit nga naman sasabihin na siyento porsyento nang tapos ang proyekto gayung hindi pa naman ito tapos? Para sa ordinaryong mamamayan o kahit na sinong tatanga-tangang mamamahayag, hindi nila alam ang proseso ng “multi-year” na pagpopondo sa isang proyekto.

Bagama’t kamakailan ay totoong inalis si RD Tan sa kanyang posisyon (nasa medical leave na siya noon pang Disyembre) ni DPWH Secretary Vince Dizon kasama ang ilan pang regional directors kaugnay sa mga umano’y anomalya sa flood control projects sa kani-kanilang hurisdiksyon. May mga isinasagawang imbestigasyon ang pamahalaan upang patunayan ang alegasyon. Ibig sabihin, hanggang walang isinasampang kaso ang gobyerno laban sa mga ito at hindi pa napatutunayan ang akusasyon, isa lang itong PAMBIBINTANG.

Isang sistema sa gobyerno na kapag napagbintangang may anomalya ang sinomang opisyal, kailangan siyang alisin sa puwesto habang nagsasagawa ng imbestigasyon.

Mariin naman si RD Tan sa kanyang paninidigan na walang “ghost flood control projects” o walang anomalya sa Region I sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Personal kong kilala si RD Ronnel noong district engineer pa lang siya sa 4th district ng Quezon at may tanggapan sa Lucena City. Simple lang siyang opisyal mg gobyerno. Walang ere. Hindi paepal.

Umani na siya ng awards at pagkilala sa kanyang katapatan at dedikasyon sa trabaho. “Most Outstanding RD noon 2023 at 2024; Most Outstanding Regional Office Award (2022) na ipinakaloob ni PBBM noong 125th anniversary ng DPWH; Civil Service Commission Recognition (2021) – for frontline service excellence noong panahon ng COVID-19 pandemic; Best District Engineer Award (2008); Model Employee of the Year (1995)

Sabi nga ng kanyang esposang si Gov. Tan sa isang pagtitipon: “Kung may tao akong kilala na napakabuti ang puso, si Engr. ‘yun (Engr. Ronnel Tan)… Alam n’yo po, naranasan ko na—’yung kakainin na namin, ibinibigay n’ya pa sa iba…Alam ko na mabuting tao ang asawa ko at mabuting manggagawa ng gobyerno!”.

##########

May nagaganap na bang demolition jobs at maagang pulitikahan sa Quezon kagaya sa iba’t ibang sulok ng bansa? Adik kasi sa politika ang maraming Pinoy. Marami rin kasing mga pekeng Facebook accounts na nagpapanggap na si Gov. Tan, ang nagsusulputan. Pawang naglalayon na lansihin ang publiko at siraan ang imahe ng gobernadora sa mata ng kanyang mga kalalawigan.

Matapat ang paniniwala ko na anoman ang gawing paninira sa reputasyon nina Gov. Helen at Ronnel ay hindi mawawala ang solidong suporta sa kanila ng mamamayan sa Quezon.

Naniniwala rin ako na walang mangangahas na bumangga kay Gov. Tan, ang unang gobernadora sa lalawigan, ngayong darating na eleksyon sa 2028 kagaya nang naganap nang nakaraang taon na walang lumaban sa kanyang buong tiket. Buong-buo ang suporta sa kanya ng mga mamamayan at mga lokal na politiko sa apat na sulok ng Quezon.

Halos hindi tumitigil si Gov. Tan sa kanyang tanggapan sa kapitolyo. Ang maraming araw sa isang linggo at minsan ay kahit na Sabado at Linggo ay nasa iba’t ibang bayan siya at nakikipag-ugnayan sa mamamayan. Nangungumusta at nagtatanong ng kanilang kalagayan at problema upang agad itong matugunanan.

Sa pagkakakilala ko sa kanya batay sa mga impormasyon na inihahatid ng Quezon public information office at pahayag ng mga pangkaraniwang mamamayan sa social media, isang huwaran at matapat na lingkod ng bayan si Gov. Tan. Hindi ito isang pagsisipsip. Nagpapahayag lang ako ng aking matapat na obserbasyon. Hindi ako ang klase ng news reporter na batad suka sa tanggapan ng politiko. Katunayan, simula nang manungkulan siya bilang gobernadora, hindi pa ako nakatatapak sa loob ng kanyang tanggapan kahit minsan.

Hindi ito isang biro. Peksman!

40

Related posts

Leave a Comment