DENGVAXIA VACCINE HINDI SAGOT SA KASO NG DENGUE SA BANSA

PRO HAC VICE Ni BERT MOZO

MAHIGPIT na tinututulan ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Rueda-Acosta ang muling paggamit ng Dengvaxia vaccine para labanan ang tumataas na bilang ng mga tinamaan ng nakamamatay na dengue virus sa bansa.

Ayon kay Acosta, hindi naman siya anti-bakuna kundi, kaya lamang siya tutol sa paggamit ng Dengvaxia vaccine kontra Dengue dahil sa napatunayan nang hindi ito mabisang bakuna laban sa dengue at bagkus napatunayan na nakapipinsala sa sino mang maturukan ng naturang bakuna.

Ang pahayag ni Chief Acosta ay kasunod na rin sa lumabas na mga balita na isa sa 25 bakuna laban sa dengue na pinag-aaralan ng gobyerno ay ang Dengvaxia vaccine.

At mismong si infectious disease expert Dr. ­Rontgene Solante ang nagpahayag na napapanahon nang ­ikunsi­dera ang pag-aaral sa muling paggamit ng kontrobersyal na bakuna na Dengvaxia vaccine laban sa dengue.

Samantala, aminado naman ang DEPARTMENT OF HEALTH (DOH) na “WORRYSOME” o dapat nang ikabahala ang pagsipa o pagtaas ng mga kaso ng dengue sa bansa.

Ayon pa nga kay Officer in Charge (OIC) Health Undersecretary MARIA ROSARIO VERGEIRE, labing-lima mula sa labing-pitong rehiyon sa bansa ang nalagpasan ang epidemic threshold ng dengue.

Gayunpaman, paliwanag ni OIC Vergeire, hindi pa rin aniya dapat mag-panic kaugnay rito subalit kailangan na ring magtulungan ang ­gobyerno at ang publiko upang masugpo ang dengue.

Sinabi ni Usec. Vergeire na bukas ang pamahalaan sa makabagong mga teknolohiya lalo na kung mayroon naman itong ebidensya upang maprotektahan ang mga Pilipino.

Gayunpaman, kailangan na mapag-aralan umanong mabuti ang mga panukalang pagbabalik sa bakunang Dengvaxia kasunod na rin ng pagtaas ng mga kaso ng dengue sa bansa.

Paliwanag pa ni Vergeire, noong 2018 ay na-revoke ang Certificate Of Product Registration ng Dengvaxia vaccine.

Naniniwala si Vergeire na kailangan munang maipakita ang mga ebidensya na kayang maprotektahan ang sinoman ng bakuna na ituturok sa publiko laban sa dengue virus.

Samantala, iginiit ni OIC Vergeire, habang wala pang bakuna kontra dengue sa bansa ay kailangang ituon ng pamahalaan ang pansin sa iba pang hakbang upang masugpo ang pagsirit ng mga kaso ng dengue.

195

Related posts

Leave a Comment