DEPED NIREREPASO CLASSROOM OBSERVATION POLICY MATAPOS MASAWI ANG GURO

NIREREPASO na ng Department of Education (DepEd) ang classroom observation policy nito kasunod ng pagkamatay ng isang public school teacher habang isinasagawa ang class observation, sa gitna ng matagal nang reklamo ng mga guro ukol sa labis na pressure sa evaluation process.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nilinaw niyang hindi na sole basis ang classroom observation sa teacher performance evaluation.

“Actually under review ‘yun kasi ‘yun yung reklamo ng mga teachers na minsan masyadong pressure yung environment,” pahayag ni Angara sa isang ambush interview sa San Francisco High School sa Quezon City.

Aniya, may mga pagbabago na sa polisiya, kabilang ang pag-alis sa sorpresang classroom visits.

“Hindi na namin ginawang sole basis, tapos ‘yung surprise visits dati, ngayon scheduled na,” ayon sa Kalihim.

Sa isinagawang imbestigasyon ng DepEd, sinabi ni Angara na walang nakitang coercion o intimidation sa insidente at may iniindang karamdaman ang guro sa oras ng observation.

“Sa investigation namin, wala namang coercion. Ano lang talaga, may karamdaman si teacher Agnes noong araw na ‘yan,” aniya.

Dagdag pa ng Kalihim, ang teacher evaluations ay ngayon ay nakabatay na sa multiple indicators, hindi lamang sa isang classroom observation.

“‘Yung review namin ng teachers hindi lang limited sa classroom observation,” paliwanag ni Angara, sabay sabing ang performance sa isang araw ay hindi sapat na sukatan ng kakayahan ng isang guro.

Patuloy pa rin umano ang policy review upang matiyak ang kapakanan ng mga guro, habang pinananatili ang accountability sa sistema.

Nagpaabot din ng pakikiramay si Angara sa pamilya ng nasawing guro at sa Schools Division Office na sangkot.

Sa ulat, kinumpirma ng Schools Division Office ng Muntinlupa ang pagkamatay ng isang guro mula sa Pedro E. Diaz High School, na pumanaw umano habang ginagampanan ang kanyang tungkulin.

Nanawagan naman ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa DepEd na agarang repasuhin ang classroom observation policy, iginiit na ito ay dapat suporta sa pagpapahusay ng pagtuturo at hindi maging parusa o dagdag-pasanin sa mga guro.

(CHRISTIAN DALE)

39

Related posts

Leave a Comment