DEPLOYMENT BAN SA KUWAIT ITINUTULAK NI BELLO NA MAGING PERMANENTE

bello12

ITINUTULAK ngayon ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magpatupad ang pamahalaan ng permanenteng deployment ban sa mga Filipino migrant worker sa Kuwait kasunod ng pamemeke umano ng mga otoridad doon sa autopsy report sa pagpatay ng Kuwaiti employer sa isang Pinay noong isang buwan.

Sinabi ni Bello na duda siya sa kredibilidad ng Kuwaiti forensic doctors nang magpadala ng “two-sentence report” sa autopsy sa pagkamatay ni Jeanelyn Villavende dahil umano sa “physical injuries.”

“I wrote to NBI (National Bureau of Investigation) to conduct our own autopsy, and I found out na ‘yong autopsy report ng Kuwaiti government ay palpak, sinungaling at walang kwenta,” sinabi ni Bello sa kanyang pagharap sa 20th Hinugyaw festival closing ceremonies.

Ito’y nang bumisita siya sa burol ni Villavende sa Norala, South Cotabato.

Irerekomenda na ni Bello sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na magpatupad ng deployment ban sa household service workers dahil sa tinatawag niyang “worthless” Kuwait employers, sabay pangako na magbibigay siya ng hustisya sa pagkamatay ni Villavende.

Sa autopsy report ng NBI medical officer na si Dr. Ricardo Rodaje, may posibilidad na si Villavende ay “sexually violated” bago napatay.

Nagpatupad na ang Philippine officials ng partial ban sa deployment ng OFWs sa Gulf state at hawak na rin ng Kuwait pulis ang suspek.

Noong 2018, isang Filipina migrant worker, na si Joanna Demafelis, ay pinatay at natagpuan sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Gulf state.

Samantala, hindi sakop o kasama sa repatriation order ang mga Filipino na kasal sa Iraqi nationals.

Ang kautusan ay ipinataw ng Philippine government sa Iraq kaugnay sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Amerika at Iran.

“Well, in those places where there is really a great danger for the Filipinos to be staying, the latest advice I was given was that in Iraq, it is forced evacuation,” ayon kay Pangulong Duterte.

“But on those who are married already, whose husbands are Iraqi nationals, we cannot do anything,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Nananatiling nakakasa ang mandatory repatriation sa Iraq.

Tinatayang may 4,000 Filipinos sa Iraq base sa data mula sa Department of Foreign Affairs.

Nakataas ang Alert Level 4 sa Iraq na ang ibig sabihin ay mandatory repatriation sa Filipinos na nasa crisis-stricken areas matapos magsagawa ng airstrike ang Estados Unidos sa Baghdad na naging dahilan ng pagkamatay ni top Iranian general Qassem Soleimani.

Ang mga Filipino na nagtatrabaho at nakatira sa Iran at Lebanon ay hindi na covered o sakop ng mandatory repatriation order matapos na ibaba ang alert levels sa dalawang bansa. (KIKO CUETO, CHRISTIAN DALE)

146

Related posts

Leave a Comment