HINDI malayong kapusin na rin sa healthcare workers (HCWs) ang Pilipinas dahil patuloy sa paghakot ang iba’t ibang panig ng mundo sa gitna na rin ng kinakaharap na COVID-19 pandemic.
Labis itong ikinababahala ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez kaya umapela ito kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na suspendehin muna ang pagpapadala ng HWCs sa ibang bansa.
Ayon kay Rodriguez, ilang araw na ang nakararaan nang mapaulat na nagpadala umano ng eroplano ang Germany sa Manila para hakutin ang may 75 intensive care unit (ICU) nurses na mangangalaga sa mga German na nagkaroon ng COVID-19.
“Secretary Bello should suspend the sending of nurses abroad. We need our healthcare personnel here at this time of public health emergency to attend to sick Filipinos, and not to foreigners,” anang mambabatas.
Sa ngayon ay nagkukulang na ang HCWs dahil marami sa mga ito ay sumailalim sa quarantine matapos ma-expose sa mga taong positibo sa COVID-19.
Umaabot na rin sa sampu ang mga doktor na namatay dahil sa COVID-19 kaya nanawagan ang Department of Health (DOH) ng mga volunteer kung saan 690 ang agad na tumugon. BERNARD TAGUINOD
