BISTADOR ni RUDY SIM
SA pagtatapos ng APEC Summit na dinaluhan ng iba’t ibang lider ng bansa ay naging usap-usapan sa social media ang tila paglabag sa protocol ni PBBM upang makamayan si Chinese President Xi Jinping. Gayunpaman ayon sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay pinilit nitong lapitan ang lider ng Tsina upang magpakita ng magandang ugnayan ng dalawang bansa kahit na mayroong hidwaan sa West Philippine Sea.
Matatandaang naging laman ng SONA ni PBBM kamakailan, ang pag-ban sa lahat ng Chinese nationals sa bansa na involved sa POGO, kung saan ay binigyan ng kautusan ng Pangulo ang ilang law enforcement agencies partikular ang Bureau of Immigration, na pangunahan ang pagpapalayas sa mga dayuhan.
Ngunit hindi kaya nakararating sa Palasyo ang ginagawang pagsasamantala ng ilang opisyales ng BI sa nahuhuling Chinese nationals na ginatasan na nga ng ilang tiwaling tauhan ng intelligence, ay muli pang piniga sa detention facility unit ng ahensya sa Bicutan kung saan ay nakararanas ang mga ito ng umano’y pagmamaltrato o kaya ay ginagawang negosyo ang inmates para sa VIP treatment.
Marami na tayong ibinisto na kalokohang nangyayari sa loob at labas ng piitan para sa foreign inmates na nasa pangangalaga ng BI, kagaya na lamang ng isang Korean fugitive na sadyang pinatakas ng mga tauhan ng gobyerno noong Marso ng taong kasalukuyan, kung saan ay nag-viral ang ating post sa social media dahil sa nasapul sa CCTV kung paano pinatakas ang pugante na dinala muna sa Pegasus sa Quezon City.
Agad na nasibak ang apat na mga tauhan ng BI na responsable sa pagpapatakas ngunit bakit ang warden ng detention center ay hindi sinibak gayundin ang commissioner na si Joel Viado? Dahil ba sa ito ay bata ng noo’y DOJ Secretary at ngayon ay Ombudsman Boying Remulla?
Gaano kaya katotoo ang sumbong sa atin ng ilan nating kaibigang travel agencies na maging sa pagpapa-deport ng BI sa mga dayuhan ay hinoholdap sila ng ilan sa mga tauhan umano ng warden facility? Hinihingian umano ng mula 20K kada ulo ang deportees para lamang makalayas sa malaimpyernong piitan ng ahensya, ang may 100 dayuhan kada buwan umano na idine-deport. Napakalaking halaga ang kinikita sa ilegal na raket ng mga tauhan ng BI dito, kung bawat ulo ay 20K. Sino kaya ang mga nakikinabang dito?
Ganito ba kakapal ang pagmumukha ng mga tauhan ni Kume na walang pakialam na masira ang pangalan ng ahensya mabusog lamang ang kanilang bulsa. Hindi ba’t banta ito sa seguridad ng bansa kung magsusumbong ang mga dayuhan sa kanilang gobyerno kung ano ang kanilang naging karanasan sa ating bansa?
Balita natin ay inilipat na sa bagong deputy commissioner ng BI na si retired Philippine army, Major General Atty. Joel Alejandro Nacnac, ang responsibilidad para hawakan ang warden facility ng ahensya. Siguro naman bilang isang sundalo ay hindi nito kukunsintihin ang katiwaliang nangyayari rito. General Sir, pakiimbestigahan nga rin itong talamak umanong tauhan ni warden na si alias “Ivone” sa Bicutan, na marami nang naging kaso.
**
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
143
