INAPRUBAHAN na sa House committee on banks and financial intermediaries ang panukalang batas na itaas sa P1,000,000 ang maximum deposit insurance coverage (MDIC) ng bawat depositor.
Nakatakdang iakyat sa plenaryo ng Kamara ang nasabing panukala para sa ikalawa at ikatlong pagbasa, para bigyan ng proteksyon ang may 73.7 million bank depositors sa buong bansa.
Base sa House Bill (HB) 5812 na inakda ni Makati City Rep. Luis Campos Jr., bibigyan ng kapangyarihan ang Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC) na doblehin ang insurance coverage ng deposito.
Sa kasalukuyan ay P500,000 lamang ang maximum insurance coverage ng deposito sa bangko subalit 12 taon na umano ito kaya kailangang itaas na sa P1 million.
Nangangahulugan na kahit gaano kalaki ang deposito ng isang bank depositor ay babayaran lamang ang mga ito ng P500,000 kapag nalugi at nagsara ang bangko na pinaglagakan nila ng kanilang pera.
Ang MDIC ay nagkakahalaga lamang ng P40,000 noong 1984 subalit noong 1992 ay itinaas ito sa P100,000 at naging P250,000 noong 2004 at matapos ang 5 taon ay naging P500,000 noong 2009. (BERNARD TAGUINOD)
