ITINANGGI ni National Security Adviser Eduardo Año ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa alegasyon ng 18 nagpakilalang dating Marines na umano’y naghatid ng pera sa ilang opisyal ng gobyerno.
Sa pahayag na inilabas ng National Security Council nitong Huwebes, tinawag ni Año na “malicious,” “entirely false,” at “fabricated” ang sinasabing unsigned affidavit na nag-uugnay sa kanya sa pagtanggap ng paper bag matapos ang isang pulong sa isang townhouse sa Polo Club.
“To set the record straight, I have never attended any meeting with former Speaker Martin Romualdez, former Cong. Zaldy Co, and Cong. Leila De Lima in the Polo Club townhouse or in any other location nor did I receive any paper bag or package from them,” ani Año.
Dagdag pa niya, magsasagawa ang kanyang legal team ng sariling imbestigasyon upang tukuyin kung ang insidente ay bahagi ng mas malawak na tangkang pahinain o i-destabilize ang mga institusyon ng pamahalaan.
Nabatid na maging si Senador Panfilo Lacson ay naghinalang may bahid ng destabilisasyon ang timing ng paglabas ng mga nagpakilalang ex-Marines, lalo’t isinabay ito sa ika-40 anibersaryo ng People Power Revolution at sa confirmation of charges hearing ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-ugat ang usapin sa pahayag ng 18 indibidwal na nagsabing naghatid sila ng mga maleta na naglalaman ng tinatayang P805 bilyon na umano’y kickbacks mula sa flood control projects para sa ilang politiko, kabilang sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at dating Cong. Zaldy Co. Itinanggi ng Malacañang at iba pang opisyal ang mga paratang.
Ayon naman sa Philippine Navy, apat sa 18 indibidwal ay hindi kailanman naging miyembro ng Navy o Marine Corps, habang ang iba ay dishonorably discharged o retirado na.
DOJ: Posibleng Ebidensya
Kinonsidera naman ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad na magamit bilang ebidensya ang testimonya ng 18 umano’y dating Marines sa pagsasampa ng kaso kaugnay ng sinasabing flood control anomaly.
Gayunman, ayon kay DOJ Spokesperson Polo Martinez, wala pang maihahain na kaso sa ngayon dahil wala pang pormal na reklamo at wala pang preliminary investigation.
Ipinaliwanag ni Martinez na manggagaling sa law enforcement agencies ang paghahain ng reklamo kung mapatunayang may nalabag na batas ang mga nasabing indibidwal.
Magugunitang sa press conference kamakailan, inihayag ng grupo na nag-deliver umano sila ng mga maleta ng pera kina Pangulong Marcos, Romualdez at Co na iniuugnay sa umano’y anomalya sa flood control projects.
(JESSE RUIZ/JULIET PACOT)
1
