(NI NOEL ABUEL)
KINALAMPAG ni Senadora Leila de Lima ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na tiyakin na matutulungan ang nasa 100 Filipino workers na nasa Israel na nakatakdang ipatapon pabalik ng bansa.
Partikular na tinukoy ni De Lima ang Department of Foreign Affairs (DFA) na kailangang kumilos sa lalong madaling panahon upang masagip ang nasabing mga Pinoy workers at mga anak nito.
“I call on the Department of Foreign Affairs to leave no stone unturned in ensuring that the rights of our fellow Filipinos and their children in Israel will not be violated,” sabi ni De Lima.
“Dapat ibigay ng DFA ang lahat ng kailangang tulong para masigurong protektado ang karapatan ng ating mga manggagawang Pilipino at kanilang mga anak na naiipit sa sitwasyon,” dagdag pa nito.
Tugon ito ng senador matapos ang ulat ng Israeli newspaper Haaretz na nasa 100 Filipina workers at kanilang Israeli-born children ang nakatakdang ipatapon pabalik ng bansa sa susunod na buwan base sa utos ng Israel’s Population and Immigration Authority.
“Hanapan sana ng agarang solusyon ang problema dahil kabuhayan at kapakanan ng ating mga kapwa Pilipino ang nakataya rito,” sabi pa ni De Lima.
