OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
HUMINGI ng tulong ang isang overseas Filipino worker (OFW) na si Aida Aliñabon, 50-taong gulang, may asawa, at dating domestic worker, matapos umano siyang makaranas ng pisikal na pananakit at pang-aabuso habang nagtatrabaho sa Kuwait.
Ayon sa salaysay ni Aida, dumating siya sa Kuwait noong Abril 25, 2025. Sa una niyang employer, tumagal lamang siya ng tatlong buwan dahil hindi umano niya kinaya ang trabaho sa pag-aalaga ng limang bata.
Bumalik siya sa ahensya at kalaunan ay nailipat sa panibagong employer na may catering business. Bagama’t malinaw niyang sinabi na hindi siya bihasa sa pagluluto, tiniyak umano sa kanya na tuturuan siya.
Subalit taliwas sa napag-usapan, napag-alaman niyang hindi pala simpleng gawaing-bahay ang kanyang trabaho kundi mabibigat na gawain sa catering. Isang insidente ang nauwi sa matinding alitan nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa paghahanda ng pagkain.
Ayon kay Aida, sinigawan at minura umano siya ng kapwa Pilipina niyang kasamahan sa trabaho, hanggang sa bigla na lamang siyang suntukin sa mukha habang siya ay nakatalikod at naghuhugas ng blender.
Dahil sa lakas ng suntok, nawalan umano siya ng malay. May mga saksi raw sa pangyayari, kabilang ang driver ng amo, subalit sa halip na papanagutin ang nanakit sa kanya, siya pa umano ang pinagalitan at pinilit na ipagpatuloy ang trabaho kahit namamaga ang mukha, masakit ang ulo, at nahihilo.
Kinabukasan, nilagnat siya at lalong namaga ang kanyang mukha, subalit tumanggi ang amo na dalhin siya sa ospital.
Dahil dito, dumulog si Aida sa Philippine Embassy, kung saan naitala at nakunan ng litrato ang kanyang mga pasa at pamamaga. Pinili niyang umuwi na lamang ng Pilipinas, ngunit kasalukuyan siyang nasa shelter at nahaharap sa iba pang problema.
Ayon sa kanya, hindi umano ibinabalik ng employer ang kanyang mga personal na gamit, kabilang ang kanyang mga damit, at may banta pa raw na kakasuhan siya.
“Wala po akong masuot dito sa shelter. Lahat po ng gamit ko ay itinapon daw ng amo ko,” ani Aida. Patuloy siyang nananawagan sa mga kinauukulang ahensya, kabilang ang OWWA at iba pang tanggapan, na tulungan siyang makauwi sa Pilipinas at maibalik ang kanyang mga personal na gamit.
Ang kaso ni Aida ay muling nagbubukas ng usapin tungkol sa kalagayan at proteksyon ng mga OFW sa ibang bansa. Umaasa siya na sa pamamagitan ng agarang aksyon ng pamahalaan at mga ahensya, makakamit niya ang hustisya, kaligtasan, at pagkakataong makapagsimula muli sa sariling bayan.
132
