‘Di malilimutang ‘Thrilla in Manila’

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

MARAMING malalaking istoryang nangyari noong 1975 kabilang ang nabigong pagtatangka sa buhay ni Pangulong Gerard Ford ng Estados Unidos at pagtatapos ng digmaan sa pagitan ng America at Vietnam.

Sa Maynila, tinalo ni “The Greatest” Muhammad Ali si “Smokin” Joe Frazier sa loob ng 14 rounds para manatiling kampeon sa heavyweight sa mundo, kasabay ng pagsisimula ng bagong liga propesyonal sa basketball, PBA.

Ang istorya ng pagtatangka sa buhay ni President Ford ay nailibing na sa archive, subalit hindi ang “Thrilla in Manila” nina Ali at Frazier. Maging ang PBA, na nananatili pa rin sa loob ng 47 taon.

Nitong Sabado (Oktubre 1), muling naalala ng kolumnistang ito ang sagupaan na tinaguriang “Fight of the Year” at “Fight of the Century,” at si Ali ay pinangalanang “Fighter of the Year.”

Samantala, ang round 13 ng laban ay naging “Round of the Year” sa lahat ng award-giving body sa world sports. Sariwa pa rin sa ating alaala ang madugong sagupaan, mula sa simula hanggang pagtatapos ng trilogy ng dalawa sa Araneta Coliseum, bininyagang ‘Philippine Coliseum’ ni noo’y Pangulong President Marcos, kasama si First Lady Imelda Romualdez-Marcos.

Sabi nga ng isang dayuhang mediaman matapos ang Thrilla: “The hype no longer mattered; one man was left with a ruin of a life; the other was battered to his soul.”

Sa isang news conference noong Hulyo 17, 1975 sa New York, ipinahayag ni Ali ang mga katagang: “You gotta have a butterfly net to catch me. It’s gonna be a chilla, and a killa, when I get the Gorilla in Manila.” At dito ipinanganak ang “Thrilla in Manila.”

Unang naglaban ang dalawang boxing greats noong 1971 na pinagwagihan ni Frazier sa pamamagitan ng KO. Nasundan ito noong 1974, kung kailan nakabawi si Ali. At natapos ang digmaan nila sa “Thrilla in Manila.”

Tanda pa namin nang pagtunog ng bell sa ika-15 round ay inihagis ni Hall of Fame trainer ni Frazier na si Eddie Futch ang puting tuwalya, hudyat ng pagsuko. Bago ito, sa pagtatapos ng 14th round ay halos inakay na ni Pilipinong reperi Carlos Padilla, Jr., ang halos bulag nang challenger patungo sa kanyang bangko.

Sa dressing room matapos ang laban, sinabi ni Ali sa mga reporter: “Happy there are no more Joe Frazier’s around to fight. Joe is real, real great fighter. I don’t think there is anybody in the class who can beat him except me.”

At nang makita niya ang anak ng karibal na si Marvis na sumisilip sa pinto, tinawag niya ito at sinabihan ng: “Tell your dad, I won’t call him a gorilla again.”

Napatunayan din sa Thrilla ang pagiging ­magaling na host ng Pilipinas, sa pangunguna ni Pres. Marcos at ng Games and Amusements Board na pinamumunuan noon ni Louie Tabuena. Naipakita rin sa buong mundo na ang ating bansa “is a better place to live in,” taliwas sa unang nabalita bago ang makasaysayang trilogy nina Ali at Frazier.

136

Related posts

Leave a Comment