HIWALAY NA LINE ITEM BUDGET SA SPED AT ALS, IGINIIT

NAIS ni Senador Win Gatchalian na magkaroon ng sariling line items ang mga panukalang pondo ng Alternative Learning System (ALS) at Special Education (SPED) program.

Ito ay makaraang mapuna ni Gatchalian ma bagama’t nagpanukala ang Department of Education ng P532 milyong pondo para sa SPED, wala namang nakalaang pondo para sa programa sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) habanh ng pondo ng ALS ay bahagi ng flexible learning options (FLOs).

“Nakita na natin ang epekto ng pandemya at pagsasara ng mga paaralan sa mga mag-aaral ng ALS at mga learners with disabilities,” saad ni Gatchalian.

Batay sa datos ng DepEd noong Marso 14, 2022, nasa 126,598 ang bilang ng mga mag-aaral na may kapansanan na naka-enroll sa mga paaralan ng DepEd para sa School Year (SY) 2021-2022, mas mababa ng 65 porsyento sa 360,879 na naitala noong School Year 2019-2020.

Para sa SY 2021-2022, nasa 472,869 ang mga mag-aaral na naka-enroll sa ALS, mas mababa ng 38 porsyento kung ihahambing sa bilang na naitala bago sumiklab ang pandemya.

“Sana ay makapaglaan tayo ng dagdag na pondo para sa SPED, ito ay isang bagay na dapat nating tugunan. Dapat din nating tiyakin ang pondo para sa ALS at magkaroon ito ng sariling line item para matiyak nating may mapagkukunan ng pondo,” pahayag ni Gatchalian.

Sa nagdaang 18th Congress, si Gatchalian ang may akda at nag-sponsor sa Republic Act No. 11510 (ALS Act) na layong i-institutionalize, patatagin, at palawigin ang programang ALS.

Ito ay upang mabigyan ng karagdagang oportunidad ang mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mga mag-aaral, kabilang ang mga indigenous peoples, upang paigtingin ang kanilang basic at functional literacy at life skills.

Layun din ng naturang batas na bigyan ang mga mag-aaral na ito ng pagkakataong makatapos ng kanilang pag-aaral.

Si Gatchalian din ang sponsor at isa sa mga may akda ng Republic Act No. 11650 o ang “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.”

Dito, binibigyan ng mandato ang mga pribado at pampublikong paaralan na tiyaking ang bawat mag-aaral na may kapansanan ay mayroong equitable access sa dekalidad na edukasyon. Nakasaad din sa batas na walang mag-aaral ang mapagkakaitan ng edukasyon dahil lamang sa kapansanan.(Dang Samson-Garcia)

161

Related posts

Leave a Comment