PUNA ni JOEL O. AMONGO
MARAMING nangangamba na kung magpapatuloy ang giyera sa Middle East ay marami rin ang magugutom na mga Pinoy.
Unang direktang apektado ay ang mga kaanak ng overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Middle East. Maging ang kanilang pamilya na nasa Pilipinas.
Siyempre, hindi sila makapagpapadala ng kanilang remittances sa kanilang pamilya na nandito sa bansa.
Kabilang sa mga dahilan ay hindi pa sila pinasusuweldo ng kani-kanilang amo. Kung may pera man sila ay hindi rin maipadadala dahil sarado ang mga establisyemento sa kanilang kinaroroonan.
May epekto rin ito sa ekonomiya ng bansa dahil ang OFWs ay malaking tulong sa gobyerno dahil sa ipinadadala nilang remittances sa kanilang pamilya sa bansa.
Lalo pang naghihirap ang mga Pilipino ngayon dahil sa nangyayaring korupsyon sa kaban ng bayan na hanggang ngayon ay marami pang hindi napapanagot na mga kurakot.
Kung hindi sana ninakaw ang trilyong piso mula sa pondo ng gobyerno ay may paghuhugutan ang pamahalaan na maaaring magamit na ayuda sa mga nangangailangan.
Ngayon, hindi natin alam kung mapauuwi ba talaga ang OFWs na gustong magpa-repatriate kung walang pondo na maaaring magamit para sa kanila?
Napakababa pa ng palitan ng piso sa dolyar kaya lalong nagmamahal ang presyo ng mga pangunahin bilihin sa bansa.
Bukod dito, isang linggong nang araw-araw na nagtataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Paano na si Juan dela Cruz? Nganga na lang?
Dalangin ko na sana ay hindi na tumagal pa ang sigalot dahil ang mga ordinaryong mamamayan ang labis na apektado.
oOo
Para sa reaksyon at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
87 