‘DI SAPAT SABIHIN NA MAS KAUNTI ANG NABIKTIMA NG FIRECRACKERS NITONG 2025

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na umabot sa 140 ang mga nabiktima ng iba’t ibang uri ng paputok at pailaw mula Disyembre 21 hanggang 30 nitong nakalipas na 2025.

Kung ihahambing, mas mababa ito ng 23 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong 2024 na nakapagtala ng 182 kaso, ayon sa DOH.

Sinabi pa ng DOH, nakababahala pa rin ang datos dahil 95 sa mga biktima ay edad 19 pababa, habang 58 porsiyento ng mga nasugatan ay mula sa edad 5 hanggang 14-anyos.

Kadalasan ang mga biktima ng mga paputok at pailaw ay pawang mga kabataan dahil karamihan sa kanila ay hindi maingat at kung minsan ay namumulot pa sila ng mga hindi pumutok na firecrackers at kapag pinaglaruan na ay saka pa sasabog.

Nangunguna sa mga mapaminsalang firecracker ay ang 5 Star at boga, habang pumangalawa sa listahan ang mga hindi natukoy na uri ng paputok.

Bago pa man salubungin ang bagong taon 2026 ay muling nagpaalala si Health Secretary Teodoro Herbosa na agad dalhin sa pinakamalapit na ospital ang sinomang mabibiktima ng paputok upang maiwasan ang tetano at iba pang komplikasyon.

Nagbigay rin ng payo ang DOH na hugasan agad ng tubig at sabon ang sugat, balutin ng malinis na tela, at iwasang pahiran ng kung anu-anong bagay tulad ng ointment o toothpaste.

Ayon pa kay Herbosa, mga medical expert lamang ang dapat gumamot sa sugat upang hindi ito lumala, maimpeksyon, at humantong sa nakamamatay na tetano.

Kung ako ang tatanungin kung hindi talagang mapipigilan ang paggamit ng firecrackers sa pagsalubong sa bagong taon, ay magtakda na lamang ng isang lugar sa bawat barangay sa buong bansa kung saan doon na lamang maaaring maglagay ng firecrackers at magtalaga rin ng mangangasiwa nito upang maiwasan na magkaroon ng biktima ng pagsabog ng paputok at pailaw.

Hindi nating masasabing naitaboy natin ang malas sa pagsalubong sa bagong taon, kung tayo naman ay nabiktima ng pagsabog ng paputok.

Mas malas ang aabutin natin kung wala na tayong mga daliri na magiging dahilan para hindi na tayo makapagtrabaho dahil sa ginawa nating pagpapasabog ng firecrackers na maaaring maging sanhi ng pagkawala ng ilang parte ng ating katawan.

Magiging manigo ang ating bagong taon kung ligtas tayo at hindi naging biktima ng paputok sa pagsalubong natin sa pagpasok ng 2026.

Mas mainam na magdasal na lang tayo sa Amang nasa langit na bigyan tayo ng malakas na katawan at pagpalain tayo sa buong taon ng 2026.

Bukod sa mga napuputukan ng firecrackers ay marami rin ang naapektuhan ng usok nito na nalanghap ng mga may sakit na asthma at nagdulot din ito ng sunog na karamihang nangyayari sa Metro Manila.

Sana gumawa ng matatag na solusyon ang gobyerno na maisaayos ang paggamit ng firecrackers sa tuwing sasapit ang Disyembre at pagsalubong sa bagong taon.

Kung pagbabatayan ang report ng DOH, karamihan sa mga biktima ng paputok at pailaw ay pawang mga kabataan. Kawawa naman sila dahil sila ang pangunahing biktima tuwing Disyembre at tuwing magpapalit ng taon.

Nagiging paulit-ulit na lamang ito na nangyayari at hindi nabibigyan ng solusyon. Kailan pa tayo aaksyon para sa kaligtasan ng mga kabataan?

Sila ang lagi nating sinasabi na pag-asa ng bayan kaya dapat maging ligtas sila sa kapahamakan.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

30

Related posts

Leave a Comment