SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
KAHIT dahan-dahan nang nakababangon ang ekonomiya ng bansa, marami pa ring halos walang makain.
Kaya kapag nagkakasakit sila, lalong nahihirapan. Marami ring walang trabaho.
Ang requirement kasi, ang mga aplikante raw ay dapat na maraming skills. Nakasalalay rin ang diskarte ng job applicant para suwertehin sila.
Sinasabing dapat na qualified sila sa position, magsumite ng mahusay na resumé at mahusay sumagot sa mag-iinterbyu o mag-iimbestiga sa kanila.
Bukod diyan ay dapat na mentally and physically fit sa trabahong pinupuntirya. Maging malinis at maayos ang suot. S’yempre, dagdagan din naman ang pagdarasal.
Maraming hirap sa buhay ngayon lalo na ang mga may sakit. Kasama sila sa mga nakikinabang at nagkaroon ng trabaho noon dahil sa e-sabong.
Nang mawala ang larong ito, aba’y mas lalo silang nahihirapan. Katunayan, malaking dagok para kay Tatay Ferdinand ang pagkawala ng e-sabong.
Hindi lang daw dahil sa nawalan ng trabaho ang kanyang anak kundi dahil sa natigil ang kanyang regular na gamutan.
Kabilang daw kasi siya sa mga benepisyaryo ng libreng dialysis ng Pitmaster Foundation, Inc.
Bunga nga raw nito, nakahuhugot siya ng lakas para mabuhay araw-araw.
Gayunman, noong nawala na ang e-sabong ay para na ring itinigil ang pag-asa niyang mabuhay pa nang matagal.
Kung hindi ako nagkakamali, P4,500 ang kada session ng dialysis.
At dahil sa nawalan na nga ng trabaho ang kanyang anak, hindi na nila alam kung saan kukunin ang pambayad dito.
Paano na lang si Tatay Ferdinand?
Tsk, tsk, tsk.
Hindi na rin alam ng mama kung paano pa siya makapagpapagamot uli dahil sa kanilang kalagayan.
Wala siyang ibang dinadalangin kundi ang makabalik na sa operasyon ang e-sabong.
