MURANG DIESEL MULA RUSSIA MALAKING TULONG SA EKONOMIYA

ITO ANG TOTOO ni Vic V. VIZCOCHO, Jr.

NAKIKIPAG-UGNAYAN ang Pilipinas sa bansang Russia tungkol sa pagbili ng “fuel” at iba pang produkto tulad ng “agricultural products”, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa isang panayam habang siya ay nasa bansang Estados Unidos.

Ito Ang Totoo: isa ito sa mga hakbang upang maibsan ang lumalalang “inflation” dala ng giyerang Russia at Ukraine na nagbubunga ng sobrang pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo sa buong mundo na nagpapahirap naman sa buhay ng maraming Pilipino.

Ayon sa Pangulo, hindi dapat maging kampante ang Pilipinas sa pagbili ng produktong petrolyo sa mga tradisyunal na “sources” kung saan ngayon ay nagtataasan ang presyo kasi nga pinag-aagawan o mataas ang “demand.”

Ito Ang Totoo: may simpatiya tayo sa kalagayan ng bansang Ukraine at mamamayan nito pero gaya nga ng sabi ng Pangulo, dapat mangibabaw pa rin dito ang pambansang “interest” o kalagayan ng mamamayang Pilipino.

Hindi pa nga tayo nakahulagpos sa pandemya ng Covid, nangyari naman ang paglusob ng Russia sa Ukraine na yumayanig ngayon sa ekonomiya hindi lamang ng naturang dalawang bansa kundi pati sa mga hindi naman kasali sa giyera nilang dalawa.

Mahigit doble na ang presyo ng “diesel” at ang palitan ng Piso kontra “dollar” ay nalalapit nang maging P60 bawat “dollar.”

Ito Ang Totoo: kung ang mayayamang bansa ay pinahihirapan ng epekto ng giyerang Ukraine at Russia sa ekonomiya ng buong mundo, ang Pilipinas pa kaya na mahirap lang at kabilang sa tinatawag na “third world country”?

Kung merong dapat magsakripisyo, iyon ay ang Amerika, Inglatera, mga kasapi ng European Union at iba pa dahil, bukod sa mas matatag ang kanilang ekonomiya, sila rin ang pangunahing nakikinabang sa naturang dalawang bansang nag-gi-giyera.

Ito Ang Totoo: mas mura ang produktong petrolyo mula Russia kumpara sa mga tradisyunal na bilihan ng Pilipinas sa pandaigdigang mercado.

Ibig sabihin, kung mura mabibili, halimbawa ang “diesel,” maibebenta rin ito ng mura sa publiko na magbubunga naman sa pagbaba ng halaga ng mga produkto at serbisyo na ang makikinabang ay ang mamamayang Pilipino.

Ulitin natin: may simpatiya tayo sa bansang Ukraine at mamamayan nito. Gayunman, dapat mangibabaw ang interes ng Pilipinas at mamamayan nito, gaya ng sabi ng Pangulo. Ito Ang Totoo!

155

Related posts

Leave a Comment