MATAPOS kilalanin ang “Valenzuela Live” bilang isang outstanding local governance program sa Galing Pook Awards ngayong taon, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian na dapat palawigin ang paggamit sa teknolohiya pagdating sa edukasyon.
Ang Valenzuela Live o ang Valenzuela LIVE Online Streaming School ay gumagamit ng Facebook Live sa pag-ere ng mga klase sa gitna ng pandemya ng COVID-19.
Nagsisilbing off-site classroom ang Valenzuela City School of Mathematics and Science (ValMaSci) habang nagbibigay ng suporta sa mga guro ang mga information technology (IT) moderators at technicians.
Nagpamahagi rin ang pamahalaang lungsod ng tablets sa mga mag-aaral na walang sariling gadgets para mapanood ang mga naturang videos.
Upang mapatatag ang digital education, kinakailangang matiyak na ang buong bansa ay konektado sa internet, ani Gatchalian. Kailangan din aniyang tiyakin na pagdating sa teacher education at training, ang kahandaan para sa online learning ay dapat ding tutukan.
Inihain ngayong taon ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2250 o ang Satellite-Based Technologies for Internet Connectivity Act of 2021.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga government organization, public at non-profit private institutions, at volunteer organizations na may kinalaman sa edukasyon, kalusugan, pananalapi, agrikultura, environmental management, climate change management, kahandaan sa mga sakuna, at pag-responde sa mga krisis ay papayagang magmay-ari at magpatakbo ng satellite-based technology para sa kanilang mga aktibidad at programa.
Ayon sa 2019 National ICT Household Survey, 82.3% ng mga sambahayan ang hindi pa rin konektado sa internet.
Ayon naman sa isang ulat ng The Asia Foundation, hindi pa konektado sa internet ang 74% pa ng mga pampublikong paaralan sa bansa.
“Nakita natin ngayong panahon ng pandemya na ang teknolohiya ay dapat maging bahagi na ng ating sistema ng edukasyon. Kaya naman sa ating pagtaguyod sa pagbangon ng sektor ng edukasyon, ating tiyakin na bawat mag-aaral at guro ay may access na sa internet upang magamit sa kanilang pagtuturo at pag-aaral,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Isinusulong din ni Gatchalian ang libreng access sa mga learning platforms ng Department of Education (DepEd).
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2355 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act na inihain ni Gatchalian para sa learning recovery, magiging mandato sa mga Public Telecommunication Entities (PTEs) ang pagbibigay ng libreng access sa mga learning platforms ng DepEd, kabilang ang mga online educational platforms, digital libraries, at iba pang online knowledge hubs para sa mga mag-aaral, mga guro, mga para-teachers, at mga volunteer tutors. (ESTONG REYES)
