DIGITAL NA PAGBABANTAY SA PONDO NG BAYAN HILING NG GRUPONG CADENA

NANAWAGAN ang isang citizens’ coalition na nagsusulong ng transparency sa paggasta ng pamahalaan sa House of Representatives na suportahan ang Senate Bill No. 1506 o ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na naglalayong gamitin ang digital technology upang mapahigpit ang pagsubaybay at pagsisiwalat sa paggamit ng pondo ng bayan.

Ang CADENA, o Concerned Advocates for Digitalized Expenditure and National Audit, ay pormal na inilunsad ang kampanya nito para sa panukala nitong National Heroes Day, Agosto 31.

Inakda ni Senator Bam Aquino ang panukalang batas na tinawag ng grupo na “Blockchain the Budget” bill dahil sa mungkahing paggamit ng digitalized systems upang makalikha ng mas madaling masubaybayang rekord ng paggasta ng pamahalaan.

Ayon kay Dani Belo, lead convenor ng CADENA coalition, kumakatawan ang inisyatiba sa pagbabago sa paraan ng paglaban sa korapsyon—mula sa paghihintay na magkaroon muna ng maling paggamit ng pondo bago magsagawa ng imbestigasyon, tungo sa pagpapatibay ng mga sistemang makapagpapahirap sa pagtatago ng mga kahina-hinalang transaksyon.

Hinikayat ni Belo ang publiko, lalo na ang kabataan, na maging mas determinado sa pagsusulong ng mabuting pamamahala at pangangalaga sa pampublikong yaman.

Sa ilalim ng panukala, itatala sa isang centralized digitalized budget system ang mahahalagang yugto ng paggasta ng pamahalaan, kabilang ang pagpaplano, paggawa ng batas, procurement, pagpapatupad ng mga proyekto at pamamahala ng pondo.

Inaatasan din ang mga ahensya ng pamahalaan at state-owned corporations na ilantad ang mahahalagang rekord tulad ng mga kontrata, halaga ng proyekto, bills of materials at procurement documents, ayon kay Belo.

Kinilala ng grupo na hindi kayang alisin ng blockchain at iba pang digital technology ang korapsyon nang mag-isa.

Ayon sa coalition, kailangan itong sabayan ng tapat na pamumuno, independent auditing, matitibay na institusyon at aktibong pakikilahok ng mamamayan.

Gayunman, sinabi ni Belo na malaking tulong ang digital records sa paglikha ng mas malinaw na bakas ng paggasta, pagpapadali sa paghahanap at paghahambing ng mga dokumento at pagpapahirap sa pagtatago ng mga kahina-hinalang transaksyon.

Sinabi naman ni Nick Malazarte, co-convenor ng CADENA for Visayas, na magsasagawa ang grupo ng mga public-information activities, campus at community forum, media interaction at citizen-education sessions upang higit na maunawaan ng publiko ang budget transparency at digital governance.

“Bawat piso, dapat may bakas. Bawat proyekto, dapat may resibo. Bawat opisyal, dapat may pananagutan,” saad ni Malazarte, na lider din ng isang samahan ng batayang masa sa Mindanao.

Iniuugnay rin ng CADENA ang panukala sa pagpapalakas ng public accountability habang patuloy na nagiging digital ang ekonomiya at mga serbisyo sa bansa.

Habang mas ginagamit ng mga Pilipino ang teknolohiya sa banking, commerce, edukasyon, komunikasyon at iba pang gawain, sinabi ng coalition na dapat ding makasabay ang mga sistema ng pamahalaan sa pagsubaybay sa paggamit ng pondo ng bayan.

Nanawagan din ang grupo sa House of Representatives na “magpakitang-gilas” at sundan ang tinawag nitong unanimous 17-0 vote sa Senado.

Ayon sa CADENA, maaari pang palakasin ng mga mambabatas ang panukala kung kinakailangan habang pinananatili ang layunin nitong paigtingin ang transparency at citizen oversight sa paggasta ng pamahalaan.

“Kung totoong seryoso ang mga mambabatas na labanan ang korapsyon, ito ang pagkakataon para maipakita nila ang kanilang sinseridad, laluna marami sa kanila ang nasa sentro ng mga di-umanong sistematikong korapsyon,” pagtatapos ni Malazarte.

(JUN VILLARICA)

114

Related posts

Leave a Comment