WALANG “holidays” para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan habang patuloy ang pagtugon sa mga lugar na apektado ng matinding pagbaha dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Sa isang video message, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na “there is no holiday” para sa Pangulo sa gitna ng sitwasyon.
“Minomonitor ng Pangulo ang lagay ng panahon. Sa paglakas muli ng ulan itong gabi ng Biyernes at Sabado, ang mga miyembro ng Gabinete ay muling nag-update sa Pangulo at inutos ng Pangulo na dapat na lahat ng apektadong lugar at apektadong mga residente, siguraduhin hindi magugutom at kumpleto pati ang non-food kits,” wika ni Castro.
“Sa mga ganitong klaseng sitwasyon, hindi kailangang utusan pa ng Pangulo ang mga nasabing miyembro ng Gabinete dahil alam nila kung ano ang nais ng Pangulo, mabilis na aksyon. Walang holiday-holiday sa Pangulo,” dagdag niya.
Sa katunayan, nakatakdang pangunahan ni Pangulong Marcos ang isang response meeting para sa Central Luzon at Metro Manila ngayong araw, kasama ang mga opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Budget and Management (DBM) upang makakuha ng mga update sa pagbaha.
Nitong weekend, umalma ang ilang netizens sa umano’y pagsasaya ni Pangulong Marcos matapos lumabas ang video ng kanyang pag-awit sa birthday celebration ng kanyang asawa, si First Lady Liza Araneta-Marcos, na nagdiwang ng kanyang ika-67 kaarawan sa gitna ng malakas na ulan at pagbaha dulot ng Habagat.
Samantala, ikinalungkot ni Castro ang insidente ng pagnanakaw ng mahahalagang piyesa ng mga pumping station sa Metro Manila, na nagresulta umano sa pagkabigo ng ilang pumping station na gumana sa gitna ng malakas na pag-ulan.
“Dahil sa mga ninakaw na mahahalagang piyesa ng pumping stations, hindi sila gagana. Gagastos tayo ulit para sa mga replacement na ito. Paano kung walang makuha agad na replacement? Hindi agad maiaayos ang mga ito na magdudulot na naman ng mabagal na paghupa ng baha,” pahayag ni Castro.
“Huwag tayo maging makasarili. Buhay, kalusugan at ari-arian ang maaapektuhan dahil sa mga pagnanakaw na ito. Huwag ninyong isabotahe ang mga proyekto ng Pangulo. Magtulungan po tayo,” aniya.
Nagbabala naman si Castro sa mga gumagawa ng naturang pananabotahe at tiniyak na hahabulin sila ng batas.
“Papanagutin po namin kayo dahil buhay at kabuhayan ang maaaring maapektuhan ng inyong mga makasariling gawain,” madiing pahayag ni Castro.
(CHRISTIAN DALE)
75 