DIGITALISASYON, SUSI LABAN SA KATIWALIAN – ABALOS

GANAP na digital transformation ang nakikita ni senatorial candidate Benjamin “Benhur” Abalos Jr., upang mapigilan ang katiwalian sa lokal at pambansang antas ng pamahalaan.

Batay sa kanyang malawak na karanasan bilang mayor ng Mandaluyong City, binigyang-diin ni Abalos kung paano nagagawang manipulahin ng ilang tiwaling kawani ng gobyerno ang mga transaksyon upang mailipat ang pondong dapat ay para sa gobyerno patungo sa kanilang sariling bulsa.

“Noong mayor ako, nagtataka ako bakit ang baba ng aming business, pina-check ko, ‘yong carbon paper noong araw nakabaliktad. So, ang carbon paper may kopya ang munisipyo no’n, nakabaliktad. Tapos kung ano lang ang ilalagay na figures,” saad ni Abalos.

“Ako ay naniniwala na ang full digitalization napaka-importante n’yan. Kasi kung meron tayong full digitalization, wala na, nabawasan na ang human intervention. Gamitin mo na lang ang telepono mo. Mas konti ang human intervention, mas mababawasan ang korapsyon dahil online na din ang pagbabayad,” dagdag pa nito.

Bukod sa ganap na digitalisasyon, binigyang-diin ni Abalos ang pangangailangang paikliin ang mga proseso sa mga transaksyon ng gobyerno upang mahikayat ang mas maraming lokal at dayuhang negosyante na mamuhunan sa bansa.

Ayon kay Abalos, posible itong maisakatuparan dahil nagawa niyang ipatupad ang mga reporma sa polisiya na nagpabilis sa proseso ng pagkuha ng business permits—mula sa tatlong araw noon, hanggang sa ilang minuto na lamang ngayon—noong siya ay alkalde ng Mandaluyong City.

Paliwanag niya, ang epektibong pagpapatupad ng polisiya sa pagpapadali ng pagnenegosyo ay nagreresulta sa mas maraming pamumuhunan, na nagbubunga naman ng mas maraming oportunidad sa trabaho at mas malaking pondo para sa gobyerno. Ang pondong ito ay maaaring gamitin sa mga programa at proyektong makikinabang ang mamamayan.

Dagdag pa ni Abalos, mahalaga rin ang papel ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa pagbabalangkas ng mga polisiya at pagsigurong maayos itong naipatutupad.

“And of course, dapat we should also check on the performance of ARTA. We should also check on them na ‘Kamusta ang reklamo sa inyo, naaksyunan nyo ba?’ Dahil ang ARTA ang sinusumbungan at dapat matatakot ang gagawa ng kalokohan dahil ARTA is already in place,”dagdag pa ni Abalos, na tumatakbo sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas. (PAOLO SANTOS)

12

Related posts

Leave a Comment