NAGHAHANDA ang puwersa ng “dilawan” at “kaliwa” sa kanilang pagsasanib puwersa sa paglulunsad ng kilos protesta sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 27.
Ang kilos protesta ng dilawan at kaliwa ay bahagi ng patuloy na pagbatikos ng mga organisasyong kalaban ng administrasyong Duterte.
Mga politikong kabilang sa Liberal Party (LP) at mga opisyal ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III ang binansagang dilawan sa political landscape ng bansa, samantalang ang kaliwa ay ang Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front of the Philippines (CPP/NPA/NDFP) at mga legal na organisasyong nababalita sa media na pawang prente ng tatlong organisasyong ito.
Ayon kay Senadora Leila de Lima, kasapi ng LP at dating justice secretary ni Aquino, “Ang nagkakaisa nating panawagan: Kalusugan, kabuhayan at karapatang pantao ang dapat tutukan ng gobyerno, lalo na ngayong pandemya; hindi kapritso ng isang tao. Hindi takot, dahas at kapabayaan” na patungkol kay Duterte.
Lalahok umano sa protesta sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Atty. Chel Diokno at Erin Tañada at iba pang opisyal at kasapi ng LP.
Kasama rin ang mga opisyal sa administrasyon ni Aquino na sina Armin Luistro (kalihim ng Department of Education), Corazon “Dinky” Soliman (Department of Social Welfare and Development) at Etta Rosales (Commission on Human Rights).
Aasahan ding lalahok ang natanggal na punong mahistrado ng Korte Suprema na si Atty. Maria Lourdes Sereno at Tony La Viña ng Ateneo de Manila University.
Mga kaliwang aktibista na sina Sr. Mary John Mananzan ng St. Scholastisca’s College, Renato Reyes ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), dating Rep. Neri Colmenares ng Bayan Muna party-list, dating Rep. Liza Masa ng Gabriela party-list, Elmer Labor ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pa.
Ilulunsad ng puwersang dilawan at kaliwa ang kanilang pagkilos laban kay Duterte kahit umiiral na ang Anti-Terrorism Act of 2020 sapagkat naniniwala silang hindi estilo ng terorista ang kilos protestang ilulunsad nila sa SONA ni Duterte.
HINIGPITAN
WALANG confirmed o validated threat na nakakalap ang Philippine National Police-National Capital Regional Police Office (PNP-NCRPO) maging ang Armed Forces of the Philippines-Joint Task Force-NCR kaugnay sa gaganaping State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 27.
Gayunman, bunsod ng nararanasang coronavirus pandemic at posibleng physical threat sa SONA ng pangulo sa Batasan Complex ay naglatag ng mas maigting na seguridad ang security agencies ng gobyerno.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Malacañang na nais ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na personal niyang ilatag sa sambayanang Filipino ang kanyang ikalimang SONA sa Batasan Pambansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Inihayag nina AFP-JTF Commander Brigadier General Alex Luna at PNP-NCRPO Director Major General Debold Sinas na sinimulan na nila ang pagpupulong at pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad at community leaders bilang bahagi ng preparasyon sa SONA ng pangulo.
Nabatid na base sa nilalatag na preparasyon ay 50 opisyal lamang ang makapapasok sa Batasan Pambansa sa araw ng SONA.
Magiging mas mahigpit aniya, ang seguridad para matiyak na ang mga awtorisado lamang ang makadalo sa okasyon.
Ayon sa isang opisyal, maiiwasan na rin umano ang pabonggahan ng mga gown ng ilang kinatawan at asawa ng mga mababatas at iba pang opisyales ng gobyerno gaya ng nakagawian tuwing may SONA dahil limitado ang papayagang makadalo bukod pa sa pawang mga nakasuot naman ng facemask ang mga bisita kaya maaring hindi na rin sila makilala agad.
Umaasa rin ang heneral na limitado ang mga tao sa kalsada na sasali sa mga kilos protesta dahil sa ipinatutupad na COVID-19 health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.
Pahayag naman ng AFP, patuloy ang ginagawa nilang pagpapaigting ng kanilang security network para palakasin pa ang kanilang intelligence gathering hinggil sa mga posibleng banta ng karahasan at terorismo.
KAABANG-ABANG
Ito naman ang tinuran ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, kaugnay sa nalalapit na ikalimang SONA ni Pangulong Duterte sa July 27.
Ayon kay Andanar, dapat tutukan ng taumbayan ang SONA dahil isa-isang sasagutin ng Chief Executive kung ano na ang susunod na hakbang ng gobyerno ngayong bumagsak ang ekonomiya, nahinto ang government projects, sumipa ang bilang ng mga nawalan ng trabaho at iba pa dahil sa COVID-19 pandemic.
Ibabahagi rin aniya ng Pangulo ang mga nagawa ng gobyerno sa gitna ng pandemic at kung nasaan na tayo sa tinatahak na pagbabago.
Sa kabilang dako, isinasapinal pa aniya kung pupunta si Pangulong Duterte sa Batasan Pambansa sa Quezon City para ihayag ang kanyang SONA sa harap ng limitadong bilang ng mga kongresista o kung sa Malacañang ito gagawin kung saan posibleng mayroong pupuntang mga mambabatas doon. (NELSON S. BADILLA/JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)
287
