NAGBABALA ang Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa mga Local Government Unit at Barangay officials na ipapaaresto ang mga ito kapag naging pasaway.
Ginawa ng DILG ang babala matapos may natanggap na reklamo na may mga abusadong LGUs at barangay officials na sinasamantala ang enhance community quarantine (ECQ) para gamitin na makalap sila ng pondo para sa personal na pangangailangan.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Ano na kapag napatunayan nilang may LGUs at barangay officials na nasasangkot sa ilegal na gawain ay siguradongnsususpindehin o ikakalaboso.
“Certainly they can be suspended or placed behind bars as their despicable act in a time of a public health emergency is unbecoming of a government official and goes against the tenets o public service,” pahayag ni Ano.
“Mahiya kayo sa mga balat ninyo. Sisiguraduhin ko na makukulong ang mga abusadong ‘yan na nakuha pang manloko ng mga kababayan nila sa panahon ng krisis na tulad nito. You are expected to help your people not cause them more sufferings. ”
Natanggap umano ng DILG ang mga ulat na may barangay officials ang nag-iisyu ng quarantine passes at ibinebenta nila sa kanilang constituents.
May mga naglagay din ng check points sa kalsada at highways at ipinatitigil ang cargoes at food deliveries sa kanilang lugar na walang barangay-issued passes.
Tinukoy pa na ang mga barangay officials ay naniningil ng bayad para sa food stubs at gate passes na kung saan ibinibigay sa kanilang nasasakupan para makalabas at makabili ng kanilang pagkain.
Idinagdag ni Ano na ang hakbang na ginagawa ng mga LGUs at barangay officials ay labag sa batas.
Binanggit pa niya kahit sinong local government official mula governor pababa sa barangay kagawad na mapapatunayan nagkasala ay makukulong.
“We will impose the law. Wala po kaming kikilingan kahit mayor ka pa o kapitan ng barangay basta napatunayan ikaw ay may sala in proper due process, mananagot ka,” dagdag pa ng kalihim. JOEL AMONGO
