MATINDI ang panawagan nitong Lunes ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla para sa agarang pagsuko ng mga suspek na umiiwas na madakip kaugnay sa multi billion-peso flood control anomaly partikular sa Oriental Mindoro.
Nagbabala rin si SILG Remulla sa coddlers o mga tumutulong sa wanted personalities. “Binabalaan po namin ang lahat ng tumutulong itago ang mga ito. May katumbas na kaparusahan sa kanilang ginagawa. Our best advice to all those who have outstanding Warrants of Arrest against them: surrender as soon as possible.”
Ang direktiba ng kagawaran ay sang-ayon sa gabay ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. na ipatupad ang arrest warrants sa mabilis na panahon para matiyak ang kanilang pananagutan.
Sa ginanap na pulong balitaan, tiniyak ni Remulla na tuloy-tuloy ang kanilang ilulunsad na law enforcement operation laban sa mga inakusahan na pakay ng warrant of arrest hanggang sa maihatid sila sa korte.
Tiniyak din ng kalihim na hindi magiging sagabal ang distansiya para magsilbi itong baluti upang hindi maabot ng mahabang kamay ng batas. Sinomang nanatiling nakalalaya pa ay tiyak na matatagpuan at ang magtatago, dito man sa loob ng bansa o sa labas ng Pilipinas, ay matutunton din agad. At hindi mapipigil ang implementasyon ng legal na kautusan.
Walo sa inihablang personalidad ay hawak na ngayon ng mga awtoridad na kinabibilangan nina Gerald Pacanan, Gene Ryan Althea, Ruben Santos, Dominic Serrano, Felisardo Casuno, Juliet Calvo, Lerma Cayco, at Dennis Abagon.
Ang mga sumusunod naman ay target ng inilabas na arrest warrant na pinangungunahan ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co; kasama sina Timojen Sacar, Montrexis Tamayo, Aderma Angelie Alcazar, Cesar Buenaventura, Consuelo Aldon, Noel Cao, at Anthony Ngo.
Dumalo sa pulong balitaan sina PNP Acting Chief Jose Melencio Nartatez Jr., DPWH Secretary Vince Dizon, DOJ Acting Secretary Atty. Frederick A. Vida, at NBI OIC Director Atty. Angelito Magno, na sama-samang nagpahayag ng pagpapalakas sa commitment ng DILG hinggil sa accountability.
Ayon sa DILG, ang maling paggamit ng pondo ng bayan ay hindi kailanman kukunsintihin at ang hustisya ay mahigpit na ipatutupad.
(JESSE RUIZ)
26
