ITINUTULAK ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagkakaroon ng mas mahigpit at magkakaparehong ordinansa laban sa mga lumalabag sa COVID-19 protocols.
“Dumaan ka sa kalsada makikita mo nagkukuwentuhan parehong nasa ibaba ang kanilang maskara parang naglolokohan lang. Niloloko mo lang ang sarili mo.”
Ito ang galit na pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año na siya ring National Task Force Against COVID-19 vice chairman, kaya balak nitong pulungin ang mga lider ng local government units upang bumalangkas ng uniform na ordinansa.
Ayon kay SILG Año, plano niyang gawing pare-pareho ang parusa sa mga indibidwal na hindi gumagamit ng face mask at hindi sumusunod sa physical distancing.
Puna ng kalihim, isa sa mga dahilan kung bakit kumakalat lalo ang virus ay dahil sa hindi wastong pagsusuot ng face mask.
Kaya naman, inihayag ni Año na dapat lamang itong isama sa listahan ng mga violation na may kaakibat na parusa.
“Pasalamat tayo ‘yung ating mga LGU ay nagpasa ng ordinansa, pero mayroon tayong ipalalabas na memo na sana pare-parehas tayo ng ordinansa kung ilang araw ang pagkakakulong o kaya ‘yung multa para kahit saan ka magpuntang LGU pareho ang penalty.
“Ang mga kababayan natin medyo matitigas pa ang ulo ng iba kaya nahihirapan tayo,” ani Año. (JESSE KABEL)
177
