DINUKOT NA KOREANO, NAILIGTAS NG PNP-AKG

NAILIGTAS ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang 78-anyos na Korean businessman matapos dukutin ng armadong kalalakihan sa kanyang bahay sa Clark Freeport, Mabalacat City sa Pampanga.

Ayon kay AKG Director Col. Elmer Ragay, noong Pebrero 9, 2025 nang pwersahang pinasok ng tinatayang sampung kalalakihan ang bahay ng biktima at nagpanggap bilang mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) dala ang isang pekeng warrant of arrest upang palabasin na lehitimo ang kanilang operasyon.

Subalit agad na itinanggi ng NBI at BI ang nasabing operasyon.

Lumitaw sa imbestigasyon na humingi umano ng P20 million ang mga suspek bilang kapalit ng pagpapalaya sa biktima, ayon sa ibinigay na salaysay ng anak nito.

Dahil sa pakikipagtulungan ng pulisya sa iba’t ibang law enforcement agencies, natunton at napalaya ang biktima noong Sabado sa loob ng compound ng isang hotel sa Clark Freeport Zone.

Nabatid na inabandona ang biktima at saka tumakas ang mga suspek sakay ng isang itim na sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng AKG upang matukoy at mahuli ang mga nasa likod ng pagdukot. (JESSE KABEL RUIZ)

23

Related posts

Leave a Comment