SA kabila ng pag-atras ng mag-asawang Discaya na makipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), sinabi ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, wala pang pahiwatig na hindi na rin sila makikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ).
Giit ni Fadullon, maaapektuhan ang kanilang aplikasyon bilang state witness dahil sa pag-atras nila sa pakikipag-ugnayan sa ICI.
Wala rin aniya sa posisyon ang mga ito na diktahan ang DOJ kaugnay ng kanilang aplikasyon.
“They’re applying for supposedly witness protection coverage. And we have our procedures to determine whether or not they will be qualified or not. It is not for everybody to dictate to us how we will go about doing the evaluation,” sabi ng Prosecutor General.
Ayon pa kay Fadullon, kahit hindi na makipagtulungan sa imbestigasyon ang mag-asawang Discaya, hindi ito magiging hadlang para sa DOJ na makapagsampa ng mga reklamo laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control project.
Giit ng DOJ, may hawak na silang mga ebidensya bukod pa sa mga makukuha mula sa mag-asawang Discaya.
(JOCELYN DOMENDEN)
