DISGRASYA SA EDSA BUSWAY Drivers o barriers ang dapat sisihin?  

SPECIAL REPORT 

NAGING mainit na usapin sa nakalipas na linggo ang magkakasunod na aksidenteng kinasangkutan ng ilang bus sa EDSA na isinisisi ng mga tsuper at motorista sa barriers na inilagay ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Maging ang mga kompanya ng mga naaksidenteng bus ay ipinagtanggol ang kanilang mga tsuper at iginiit na hindi dapat lagyan ng harang ang highway na sagabal sa mga dumaraan lalo na ang malalaking bus.

Noong nakaraang Hunyo 1, 2020, inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim na ang Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ) mula sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Kasunod ng pagiging GCQ ng Metro Manila ay pinayagan na ang piling public transportation na makabiyahe tulad ng MRT, LRT at limitadong buses na dumadaan sa kahabaan ng EDSA.

 

NABAGO SA NEW NORMAL

 

Sa ilalim ng GCQ sa Metro Manila ay naging new normal na ang takbo ng buhay sa Metro Manila na kaakibat nito ang maraming pagbabago partikular sa usapin ng transportasyon.

Nabago rin ang lane assignment ng mga bus sa EDSA, na dati ay nasa nasa right side lane sila (yellow lane) bilang pampasaherong sasakyan (public transport).

Mula sa yellow lane ay inilipat sila sa left side lane ng EDSA (bus lane) na nilagyan ng concrete barriers para malaman ng motorista na nakahiwalay ang lane na ito para sa buses.

 

PWEDE ANG AMBULANSIYA

 

Bukod sa mga bus ay pinapayagan din dumaan sa left side lane ng EDSA ang emergency vehicles na tulad ng ambulansiya.

Malaya at mabilis ang takbo sa kalyeng ito dahil maluwag at nakatatakbo nang maayos ang public utility bus (PUB) dito.

Bagamat maluwag na ang lane na ito para sa mga bus ay pinapayagan lamang tumakbo sila sa speed limit na 50 kph.

Sa kabila nito, bagama’t may limistasyon ang takbo ng mga sasakyan sa nabanggit na lane ng EDSA ay marami pa ring bus ang bumabangga sa concrete barriers na inilagay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

 

NAG-VIRAL

 

Kamakailan, nag-viral ang mga nakuhanan ng video na mga nadidisgrasyang bus at iba pang uri ng mga sasakyan sa kalsada dahil sa pagbangga nila sa concrete barriers.

Kabilang na rito ang MSJ tours na may sticker no. U1 L782, na minamaneho ni Jerwin Mamac na bumangga sa concrete barriers sa EDSA-Santolan area.

Idinadahilan umano ng mga driver na kaya sila bumabangga sa concrete barriers dahil sa masikip at may mga kurbada na parte na kinalalagyan nito.

 

PASAWAY ANG DAHILAN NG DISGRASYA

 

Sa phone interview ng SAKSI NGAYON kay Bong Nebrija, traffic chief ng MMDA, sinabi niya na ang ibinigay na sa bus lane sa EDSA sa new normal sa Metro Manila ay left side lane (inner lane).

Ayon sa kanya, solo ng mga bus ang left side lane at wala silang kaagaw bakit kailangan pa nilang magmadali.

Sinabi pa niya na bukod sa mga bus, ang maaari makadaan lamang sa left side lane ay ang emergency vehicles tulad ng ambulansiya.

“Ang problema lang sa mga driver ay wala silang mga disiplina, yung iba inaantok, nakainom ng alak at kaskasero kaya sila nadisdisgrasya, hindi dapat sisihin nila na may concrete barriers sa EDSA kaya sila naaaksidente pagkakamali nila yun”, ani Nebrija.

Binanggit din ni Nebrija, ang EDSA ay may speed limit lamang ang pagpapatakbo na hanggang 50 kph lamang.

Aniya, hindi ka naman madidisgrasya kung maingat ka at hindi ka kaskasero, wala na silang kaagaw sa kanilang lane.

 

3 AKSIDENTE

 

Ayon pa kay Nebrija, 550 buses ang bumibiyahe sa EDSA, tatlo lang ang naaksidente sa pagbangga sa concrete barriers, wala pa silang isang porsyento.

Igiit din ng opisyal na ang kanilang inilagay na barriers ay aprubado sa international standard sa traffic management.

Idinagdag pa niya, kung guhit o pintura lamang ang ilalagay sa mga kalye sa Pilipinas ay hindi ito susundin ng mga driver dahil sa titigas ng mga ulo nila.

“Bakit ang iba naman ay hindi naaksidente at naiiwasan ang concrete barriers? Ibig sabihin maingat silang magmaneho, hindi katulad ng ibang driver”, ani Nebrija.

Dahil dito aniya, ang nasirang concrete barriers na sinagasaan ng mga driver, ay pinababayaran sa mga ito, at bahala na ang Land Transportation Office (LTO) sa iba pang pagbalabag nito.

 

SUSPENSION NG LISENSYA

 

Ayon naman kay Roberto “Bob” Valera, LTO Deputy Director for Law Enforcement Service, pinatawag na nila ang tatlong bus drivers na bumangga sa concrete barriers sa EDSA, gayundin ang kanilang operators at pinadaldahan ang mga ito ng show cause order.

Sa katunayan ay nakatatlong pagdinig na sila at ang pinakahuli ay noong nakaraang Miyerkoles, Hulyo 29, 2020.

Ayon pa kay Valera, pinagsumite na rin nila ng sagot (position papers) ang drivers at operators ng mga bus company at isinalang sa drug test na kung saan ay naging negatibo naman ang mga ito.

Sinabi pa ni Valera, may rekomendasyon na rin sila sa dalawang driver na suspensyon ng kanilang lisensiya dahil sa rami ng kanilang paglabag sa traffic rules and regulations base, na rin sa report ng MMDA.

Natuklasa na dalawa sa mga drivers na ito ay may mahigit tatlumpung paglabag ang naitala base sa records ng MMDA.

Sinabi pa ni Valera, kapag ang driver ay may tatlo pataas na mga paglabag sa batas trapiko sa loob ng isang taon, maaari nang suspendihin ang kanyang lisensiya.

Kasabay nito, nilinaw ni Valera na kung walang pagdinig na naganap ay pwedeng suspendihin ng tatlong buwan at kung mayroon naman ay pwedeng tatlong buwan o mahigit pang sususpendihin ang driver’s license.

 

REVOCATION OF LICENCE

 

Bukod dito, maaari ring patawan ng perpetual revocation of license ang driver depende kung gaano kabigat ang kanyang paglabag.

Kasabay nito, pinayuhan ni Valera ang lahat ng mga driver na sumunod sa batas trapiko dahil ang driver license ay pribilehiyo at hindi karapatan.

Pinayuhan din niya ang bus operators na kailangan pumili sila ng driver na marunong sumunod sa batas dahil ang kanilang dinadala ay maraming pasahero na posibleng malagay sa peligro ang buhay.

“Mas makabubuti ang driver ay may alam sa batas, hindi pwede na marunong lang siya magmaneho, kailangan din niya sumunod sa batas”, paliwanag pa ni Valero.

 

KINUWESTYON

Sa Kongreso, kinuwestyon ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento ang paglalagay ng barriers na itinuturong dahilan ng mga aksidente gayundin ang speed limit ng mga bus sa EDSA.

Depensa ni Metro Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia, ‘isolated incident’ ang nangyaring mga aksidente sa major thoroughfare.

Aniya, pawang mga nakainom, nagte-text at wala sa focus ang tsuper ng mga naitala nilang aksidente sa EDSA at walang kinalaman ang paglalagay nila ng barriers.

Inilagay aniya ang barriers sa loading at unloading areas upang protektahan ang commuters.

Hindi rin aniya dapat isisi ang mga aksidente sa paglilipat ng lane ng bus sa EDSA dahil sumusunod sa international standard ang sukat ng bus na 2.5 hanggang 2.8 meters habang 3.5 meters naman na sukat ng lane.

Sa kabila nito, nagpasya ang MMDA na palitan ang concrete barriers na inilagay nila sa EDSA busway.

“In the next few weeks po, lalagyan po natin ‘yan yung bollards na mas manipis po ‘yun,” ani Jojo Garcia sa isang panayam noong isang linggo.

“‘Yun pong ating loading and unloading base—200 meters before, 1000 meters after—lalagyan rin natin ng concrete barriers ‘yan na dikit-dikit,” aniya pa.

Ilang motorista naman ang nagsabi na mali ang MMDA sa paglalagay ng barriers dahil ang mga highway ay dapat obstruction-free tulad sa ibang mga bansa na ginuguhitan lang at hindi naglalagay ng anomang maaaring magdulot ng aksidente sa highway. (JOEL O. AMONGO)

187

Related posts

Leave a Comment