(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MAY dahilan para maalarma si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang ‘Pension Reforms’ ng military and uniformed personnel (MUP) na isinusulong ni Finance Sec. Benjamin Diokno dahil mistula itong bangungot sa dami ng umaalma rito.
Patuloy na dumarami sa hanay ng pulisya at militar ang umaalma sa nasabing panukala dahil malaki ang magiging epekto nito sa kanilang benepisyo sa sandaling sila ay magretiro.
Sa pagdinig ng Senate Committees on National Defense and Security hinggil sa mga panukala na naglalayong i-overhaul ang MUP pension system, binanggit ni Department of National Defense (DND) Officer-in-charge Carlito Galvez Jr. na nababahala si Pangulong Marcos Jr. sa impact ng nasabing panukala.
Kamakailan, isa-isang naglabas ng kanilang saloobin ang ilang grupo at indibidwal na nangangamba sa kahihinatnan ng kanilang pensyon sakaling ilarga ng administrasyong Marcos ang panukalang reporma.
Sa ginanap na Town Hall meeting kaugnay ng MUP retirement scheme discussion kamakailan, hindi naiwasang maging emosyonal ni Colonel Gemma Cruz Vinluan, chief FJGADD, Philippine National Police (Family Juvenile Gender and Development Division).
Tinanong ni Vinluan kung mababago ba ang proposal sakaling tanggihan ng mga miyembro ng PNP.
Binanggit din nito ang saloobin ng kanyang mga kasamahan na silang uniformed personnel ay hindi pwedeng ikumpara sa ibang government services dahil itinataya nila ang kanilang buhay.
“Parang napakasakit para sa amin na kami ngayon ang kailangang pigain ninyo para gumanda ang ekonomiya. Why don’t we improve our taxation and anti-corruption campaign, why the PNP uniformed personnel has to sacrifice?” tanong ni Vinluan.
Nabatid na tanging si Vinluan ang nabigyan ng pagkakataon na makapagsalita at ipahayag ang saloobin ng silent majority sa PNP.
“Kung tayo lang mga officers kakayanin natin ang bukas after our retirement but how about our PNCOs (Police Non-Commissioned Officers)? Wala bang value ang buhay at pamilya natin na ating itinataya sa pagharap sa mga criminal, drug lords, terorista at NPA makapaglingkod lang sa bayan. Pati ba retirement benefits natin need din nating itaya?” pahayag pa niya.
Kabilang sa mga diskumpyado sa reporma ang mga aktibong pulis at sundalo – partikular ang hanay ng mga may mababang ranggo.
Gayunpaman, may ilang aktibong opisyal ng pulis at militar ang nagpahayag ng suporta sa isinusulong na pension reforms para anila maiwasan ang nakaambang fiscal collapse na dulot ng lumolobong bayarin sa pensyon ng mga retiradong military and uniformed personnel (MUP).
“The issue on the pension system is for our legislators to work on. The AFP will support and cooperate to consultations that may be called by higher authorities or lawmakers to discuss it,” ayon kay AFP spokesperson Col. Medel Aguilar.
Pahiwatig naman ng isang senior military officer, isa sa mga nakikita nilang papalag ang mga pulis at sundalong maliit ang base pay.
Kumpara aniya sa mga heneral at koronel na may mataas na base pay, mistulang barya ang magiging pensyon ng mga pulis at sundalong mababa ang ranggo.
Samantala, idinaan na lang sa social media ang hinanakit ng ilang miyembro ng Police Retirees Association Inc. (PRAI) – “Bakit yang PENSION FUND ng mga MEN IN UNIFORM ang whipping boy ng ating bureaucracy?”
“We kindly appeal not to equate the JOBs of the MEN IN UNIFORM with that of the other GOV’T employees, (with due respect to them) BAKA NAKAKALIMUTAN NINYO na ang PUHUNAN ng mga MEN IN UNIFORM SA PAGLILINGKOD SA TAONG BAYAN at sa Bansa ay ang KANILANG BUHAY.”
Hamon ng mga pensyonado kay Diokno, gawan ng paraan at maghanap ng pondo para tuloy-tuloy na mabayaran ang buwanang pensyon ng mga retirado – “Trabaho ni Sec. Diokno na may hawak ng finance portfolio na gawan ng paraan at hanapan ng mapagkukunan ng pondo para mabayaran nang tuloy-tuloy ang pension ng mga retiradong MUP na naaayon sa pinagtibay na batas, batay na rin sa Sec. 34 ng RA 8551 at Sec. 75 ng RA 6975.”
“Are you not aware of the fact that the monthly pension of all 137,649 retirees combined is just a tiny slice of the pie compared to the pork barrel of the politicians in the Senate and Congress, Intelligence Funds of non-intel outfit but having not so intelligent brain, including the millions of pesos you and your equally high profile executives in government are receiving? Not to mention the perks and allowances you are privileged to enjoy etcetera?” patutsada naman ng isang netizen kaugnay ng nasabing usapin.
Inalmahan din ng ilang retirado ang umano’y nakatatawang pahayag ng Kalihim hinggil sa haba ng panahon ng pagbibigay pensyon sa mga retiradong mahaba ang buhay.
“You are complaining about the life span of the retirees reaching up to 90 years old. Who told you that? The Generals, Admirals, Galvez or Abalos. Maybe they are only warming their cushion chairs all day long with fat asses. Naturally they will side with you because if they don’t they will be thrown out to kingdom come,” ayon pa sa grupo.
“Hindi naman siguro bulag ang ating mga PULIS, mga SUNDALO at ating mga mamamayan Para hindi nila makita ang LIKAS NA YAMAN NG ATING BANSA at ang pera ng mga mamamayan na inaabuso ng mga ilang KURAP na politiko?”
“Ang totoo nyan AYAW mo lang talaga na maisama kami sa Indexation ng mga active personnel. Noon mo pa yan TINITIGASAN. Panahon pa ni Pnoy. Hindi ka lang umubra kay Duterte kasi mas siga un kesa sayo. Tapos ngayon binuhay mo na naman ulit,” bahagi pa rin ng himutok ng grupo ng mga retiradong pulis patungkol kay Diokno.
