DISPLACED TEACHERS, STUDENTS AAYUDAHAN SA BAYANIHAN 2

TINIYAK ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na kanyang tututukan ang pagbibigay ng ayuda sa mga guro at non-teaching personnel na nawalan ng trabaho kabilang ang estudyanteng hindi nakapag- enrol dahil nagsara ang kani-kanilang pribadong eskuwelahan sanhi ng pandemya.

Sa panayam, sinabi ni Gatchalian na mahigit 3,200 guro at non-teaching personnel ang nawalan ng trabaho sa mahigit 846 na nagsarang private schools kabilang ang mahigit 43,000 estudyante na hindi nakapag-enrol dahil nawalan ng trabaho ang kani-kanilang magulang.

Sinabi ni Gatchalian na mahigit kalahati ng apat na milyong estudyante sa private schools ang nag-enroll at aabot naman sa 300,000 ang lumipat sa public school, pero marami pa rin ang hindi nakapag-enrol.

“Sa ganitong punto, maraming mga private schools na ang nagsara, close to 800 for now at yan ay close to about 43,000 students ang hindi nakapag-aral at dahil dun, meron na tayong close to 3,000 teachers and non-teaching staff na naapektuhan,” ayon kay Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, naglaan ang Kongreso ng halagang P300 milyon upang bigyan ng ayuda ang 3,200 guro at non-teaching personnel sa private schools na nawalan ng trabaho.

Naglaan din ang Kongreso ng halagang P600 milyon para naman sa displaced students sa private schools na hindi nakapag-enrol sanhi ng pagkawala ng trabaho ng kani-kanilang magulang.

“Karamihan sa kanila, 3,200 to be exact ay walang trabaho ngayon kaya naisipan ng Senado na maglagay ng pondo para tulungan sila kaya naglaaan tayo ng 300 million worth of subsidy na pwedeng ibigay sa mga teachers natin and non-teaching staff at naglaaan din tayo ng about 600 million para sa ating mga displaced students,” ayon kay Gatchalian.

“Ito yung mga estudyanteng hindi naman sila part ng scholarship program pero dahil nga hindi sila makapag-enroll naglaaan din ng pondo para matulungan natin sila,” giit pa niya. (ESTONG REYES)

143

Related posts

Leave a Comment