DISTRIBUSYON NG IVERMECTIN SA QC DINUMOG

DINUMOG ng mga residente sa Matandang Balara, Quezon City ang paglulunsad ng grupo ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ng “Ivermectin Initiative project” nitong Huwebes.

Ayon kay Defensor, ang orihinal na target na bigyan ng libreng ivermectin ay 35 lamang subalit maraming tao ang dumagsa na isang patunay na marami ang gustong magkaroon ng nasabing gamot bilang proteksyon sa COVID-19.

“Ang nakalista lang dito (Matandang Balara) 35 eh kaso may taga ibang lugar na nagpunta so tutulungan na rin namin. So, from here baba kami sa bahay-bahay,” ani Defensor.

Bukod kay Defensor at Malayang Quezon City, kasamang naglunsad sa nasabing programa si Deputy Speaker Rodante Marcoleta at apat na doctor na sina Dr. Allan Landrito, Dr. Iggy Agbayani, Dr. Noel Castillo at Dr. Sham Quinto na nagbigay ng reseta sa mga binigyan ng libreng Ivermectin tablets.

Tulad ni Defensor, naniniwala si Marcoleta na epektibo ang Ivermectin na panlaban sa COVID-19 at isang patunay rito ang pagsurporta ng nabanggit na mga doktor sa kanilang inistiyatiba para magkaroon ng proteksyon ang mga tao laban sa COVID-19.

“Nakita n’yo naman lumabas ang mga doctor, nasa publiko. Hindi naman nila siguro isasakripisyo ang sarili nilang lisensya (kung hindi epektibo ang Ivermectin),” pahayag ni Marcoleta.

Parehas na trato

Umapela naman si Defensor sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na itrato ang Ivermectin tulad ng pagtrato ng mga ito sa ibang gamot.

“Kasi ‘di ba, itong mga gamot na Remdisivir, Tocilizumab, maging ‘yung mga antibiotic, lahat naman ‘yan sinasabi nila na hindi naman ‘yan ang gamot eh dahil wala pa namang gamot sa COVID-19 so I think is has to be fair that Ivermectin should be treated the same way,” ani Defensor.

Ang Remdisivir na umaabot sa P48,000 ang presyo ay hindi umano pinayagan ng World Health Organization (WHO) na gamitin sa COVID-19 patients dahil walang ebidensya na nakakagaling ito subalit pinayagan ng FDA at DOH na gamitin ito.

Nilinaw ni Defensor na sumunod sila sa alintuntunin ng FDA dahil ang lisensyadong doktor ang nag-prescribe sa mga nabigyan ng Ivermectin at mula sa mga lisensyadong laboratoryo umano ang nasabing gamot.

“Eto lang ang DOH ang magulo na maraming sinasabi na iba na naman,” ani Defensor dahil sinasabi umano ng DOH na bawal pa ring mamigay ng Ivermectin sa mga tao. (BERNARD TAGUINOD)

251

Related posts

Leave a Comment