INAMIN ni Interior Secretary Eduardo Año na umabot sa 4,500 reklamo ang natanggap ng Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa ayuda sa mga residente ng National Capital Region (NCR) at apat na kalapit na lalawigan noong isailalim ang mga ito sa dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) upang mapahupa ang napakataas na bilang ng mga taong nagkaroon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Año, nilulutas na ito ng local government units (LGUs) ng NCR, Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan.
Ang nasabing lugar na tinawag na NCR Plus ay binigyan ng pambansang pamahalaan ng P22.9 bilyon, sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM), upang magkaroon ng panggastos ang 22.9 milyong residente habang mayroong ECQ sa kani-kanilang lalawigan, lungsod at bayan.
Nasa maksimum na P4,000 cash ang dapat na iabot ng LGUs sa bawat ubod nang hirap na pamilyang mayroong apat pataas ang miyembro.
Ngunit mayroong naiulat sa media na ilang LGUs ang namahagi ng grocery items sa mga benepisaryo.
Mayroon ding naiulat na walang natanggap dahil wala sa listahan ng LGUs ang kanilang mga pangalan.
Naniniwala si Año na mareresolabahan din ang 4,500 reklamo.
Ang pamamahagi ng nasabing ayuda ay matatapos sa Mayo 14, alinsunod sa atas ng Malakanyang. (NELSON S. BADILLA)
