TULOY ang pasada sa Lunes ng iba’t ibang jeepney operators at tsuper sa Pasay City sa kabila ng deklarasyon ng ng malawakang 7-day transport strike, bilang protesta sa planong pag-phaseout sa mga tradisyunal na Public Utility Jeepneys (PUJs) sa Metro Manila at iba pang probinsya.
Sa isang dayalogo na ginanap sa Pasay City Hall kahapon, Marso 2, tiniyak ng sampung samahan at kooperatiba ng mga tsuper at operators na hindi sila lalahok sa tigil-pasada simula March 6 hanggang 12.
Ang dayalogo ay dinaluhan ng mga kinatawan ng grupong Malibay-MOA Libertad JODA; Baclaran-Nichols Transport Coop. (BNTSC); Cabrera- Jeepney Operators-Drivers Association (CJODA); MIA-Baclaran Domestic JODA; Pasay-Pier JODA; Airmen Jeepney Operators-Drivers Association (AJODA); Pasay City Transport Coop.; MBJODA; PRODA; at M. Dela Cruz Libertad-Harrison JODA.
Pinasalamatan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga transport leaders sa pagpapahayag na itutuloy ang pamamasada sa Lunes para serbisyuhan ang mga Pasayenyong mananakay, gayundin ang mga commuters na umaasa sa public transport services ng mga Pasay Jeepney Operators and Driver’s Association (JODA).
Tiniyak din ng alkalde sa pamamagitan ni Pasay City Chief of Police Col Froilan Uy ang seguridad ng mga namamasadang jeepney drivers sa araw ng strike.
“Makakaasa po kayo mula sa lokal na pamahalaan ng Pasay, sampu po ng mga kagawad ng ating pulisya sa pangunguna ng ating chief of police Col. Froilan Uy na tiyakin natin ang orderly and peaceful na pamamasada n’yo sa ating siyudad,” pagtitiyak ni Mayor Emi sa mga transport leaders.
Nagboluntaryo rin si Mayor Emi na pangungunahan ang pagpapa-abot sa kinauukulan hinggil sa hinaing at rekomendasyon ng mga transport operators kaugnay sa PUJ modernization program ng pamahalaan.
“Ako po mismo ang magpaparating ng inyong mga hinaing sa ating mahal na Pangulo (Bongbong Marcos Jr.). Gumawa po kayo ng manifesto o sulat sa ating mga kinauukulan at ako mismo ang magbibigay sa ating mahal na Pangulo,” wika ni Mayor Emi.
Samantala, may nakalatag na ring contingency measures ang Pasay City government para asistihan ang mga mapeperwisyong mananakay sa araw ng strike.
Sa inisyal na pagbalangkas ng Mayor’s Office, Pasay Traffic & Parking Management, Tricycle-Pedicab Franchising, at ng Public Information Office; magpapatupad ng “Libreng Sakay” ang city government ng Pasay sa loob ng pitong araw na strike sa Metro Manila.
Ayon Mayor Emi, hindi bababa sa 35 motorized vehicle ng Pasay City Hall ang idedeploy sa iba’t ibang lugar para mag-alok ng libreng sakay sa mga commuters.
Aniya, apat na strategic location sa siyudad ang maging destinasyon ng libreng sakay na sisimulan ng alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng umaga. Magkakaroon ng afternoon shift ang libreng sakay alas-4:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
