DITO TELECOMMUNITY NILABAG ANG IPRA?

HINDI pa man nagsisimula ang operasyon ng Dito Telecommunity ay mayroon nang reklamo laban dito.

Nabasa ko sa isang pahayagan ilang araw na ang nakalipas na ang kaso laban sa Dito ay tungkol sa paglabag sa Republic Act 8371, o Indigenous People’s Rights Act (IPRA).

Partikular na linabag daw ng Dito Telecommunity sa IPRA, ayon sa National Commission on Indigenous Peoples-Cordillera Administrative Region (NCIP-CAR), ay ang mga karapatan ng mga katutubo sa kanilang ancestral domains (ADs) sa lalawigan ng Benguet.

Napakaraming katutubo sa ating bansa, kasama na ang mga residente ng Banguet.

Kahit katutubo, hindi maipagkakailang sila ay mga Filipino.

Kaya, mayroon tayong IPRA.

Nagkaroon tayo ng IPRA noong 1997, panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos.

Layunin ng IPRA na kilalanin, igalang at sundin ang mga karapatan ng mga katutubo bilang mamamayan ng ating bansa, kasama na ang kanilang ligal at makasaysayang Karapatan sa kanilang pag-aaring lupain na kung tawagin natin ay ADs.

Lahat ng Filipino, lahat ng mga namumuhunan at nagnenegosyo sa ating bansa ay tungkulin at obligasyon na sundin at ipatupad ang IPRA.

Kahit na ang napakalaking korporasyon na Dito Telecommunity na sinasabing makatutulong upang tumaas ang kalidad ng palpak at napakabagal na internet sa Pilipinas ay mayroong tungkulin at obligasyon na kilalanin, sundin at ipatupad ang IPRA.

Maging ang mga katunggali ng Dito Telecommunity sa negosyo ng telekomunikasyon na Smart Telecommunications at Globe Telecommunications.

Ang Dito ay pag-aari ng mga kumpanyang kontrolado ng negosyanteng si Dennis Uy (60%) kung saan deklarado namang kasosyo niya rito ang China Telecommunications Corporation (40%).

Si Uy ay kilalang ‘napakalakas’ kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil pinaniniwalang todo ang suporta ng nasabing negosyante sa kampanya ni Duterte noong kampanya noong halalang 2016.
Pokaragat na ‘yan!

Ang nasabing kumpanya naman ng China ay pag-aari ng pamahalaan ng People’s Republic of China.

Hindi ko alam kung paanong naging magkasosyo si Uy at ang Chinese Telco.

Opisyal na ideneklara ng administrasyong Duterte na “Third Telco” ang Dito.

Ilang araw na ang nakalipas nang bigyan ng NCIP-CAR ng show cause order ang Dito ­Telecommunity na nilagdaan ni NCIP-CAR Regional Director Marlon Bosantog.

Tinuran ni Bosantog na kailangang ipaliwanag ng Dito sa loob ng labinglimang araw kung bakit hindi panagutin at parusahan ang kumpanya sa paglabag nito sa IPRA.

 

Nakabinbin sa NCIP-CAR ang aplikasyon ng Dito na magtayo ng tore sa La Trinidad, Benguet para mailatag ng kumpanya ang ­imprastraktura ng ­telekomunikasyon sa nabanggit na lalawigan.

Inihayag ni Bosantog sa show cause order nito laban sa Dito na: “It has come to our attention that your company has undertaken or is currently undertaking fiber-optics laying in the various ADs in Benguet province without securing the FPIC [from] concerned indigenous cultural communities/indigenous peoples (ICCs/IPs) and paying just and fair compensation for ­damages [that] they may sustain as consequence thereof.”

Ang nabanggit na FPIC ay tumutukoy sa karapatan ng mga katutubo na nakasaad sa seksiyon 59 ng R.A. 8371 na karaparatan na “free and prior informed consent”.

Maliban sa problema sa FPIC, ipinaliwanag din ng NCIP-CAR sa Dito Telecommunity ang nakasaad sa Seksiyon 7 (b) ng IPRA na mayroong kinalaman sa sa pagkilala, proteksiyon at promosyon, at iba pa, ng mga karapatan ng mga katutubo sa “informed and intelligent participation in the formulation and implementation of any project, government or private, that will affect or impact upon the ancestral domains and to receive just and fair compensation for any damages [that] they may sustain as a result of the project”.

Malalaman natin sa susunod kung ano ang magiging desisyon ng NCIP-CAR matapos dumaan sa tama, ligal at patas na proseso ang ikinaso laban sa Dito Telecommunity.

Mahalaga ang isyung ito dahil hindi pa tapos at hindi pa rin kumbinsido ang ilang senador sa Dito, partikular sa isyu ng pambansang seguridad at kakayahan ng kumpanya na maging ikatlong telco sa Pilipinas.

359

Related posts

Leave a Comment