DITO TOWER SA MILITARY CAMPS, PINAKAKANSELA

KAILANGANG ikansela ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kontrata ng DITO Telecommunity para makapagpatayo ng mga cellular tower sa mga kampo-militar sa bansa.

Hiniling ito ni Senador Francis Pangilinan kay Lorenzana dahil naniniwala ang senador na “makokompromiso” ang seguridad ng mamamayang Filipino at “security data” ng bansa sa pamahalaan ng China.

Ang DITO Telecommunity ay pag-aari at kontrolado ang mayorya ng shares of stocks ng negosyanteng si Dennis Uy.

Ngunit, ang pamahalaan ng China, sa pamamagitan ng China Telecommunications, ay pag-aari ang 40 porsiyentong share of stocks ng DITO Telecommunity.

“The [Defense] secretary should rescind the deal as it compromises the security of our citizens and our country as whole, especially security of our data, which is the currency of this century,” banggit ni Pangilinan.

Idiniin niya na: “Countries more technologically advanced have actually banned or reconsidered business deals with China’s largest telco and phone manufacturer Huawei Technologies just two months ago due to possible spying. That should have been an eye-opener for us. Dapat natuto rin tayo sa karanasan nila.”

Nilagdaan ni Lorenzana ang kontrata ng DITO Telecommunity upang makapagpatayo ito ng mga tore para sa linyang pagdadaanan ng cellular business nito makaraang bigyan ng Kamara de Representates ng 25-taong prangkisa ang nasabing kumpanya.

Pinalusot ng Kamara ang prangkisa kahit hindi pa nailalatag ng DITO ang iba pang mga kondisyong ipinangako nito sa Senado, Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) sa pagtatayo ng sistemang gagamitin nito sa pagnenegosyo nito sa telekomunikasyon sa bansa at ang napakalaking parte ng pag-aari ng China Telecommunications sa DITO.

Ayon sa Konstitusyon, dapat 100 porsiyentong pag-aari ang kumpanyang “public utility” ang negosyo tulad ng komunikasyon.

Ang DITO ay itinuturing na “3rd telco” sa bansa.

PAGKAKANULO

Pagkakanulo sa soberenya ng Pilipinas ang pagpayag ng Department of National Defense na pagtatayo ng tower ng DITO Telecommunity sa loob ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ganito naman inilarawan ng mga militanteng mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang kasunduan na pinirmahan ni Lorenzana sa DITO Telecommunity na magtayo ng kanilang tower sa loob ng mga military camp sa bansa.

Inamin ito ni Lorenzana sa pagharap nito sa House committee on appropriations para idepensa ang kanilang pondo sa susunod na taon na labis na ikinabahala ng mga mambabatas dahil nakataya umano dito ang pambansang seguridad ng bansa.

“Ipinagkanulo tayo sa pamamagitan ng pagpayag sa pagtatayo ng mga towers na alam natin na gagamitin sa pag- eespiya.

Ipinagkanulo tayo sa ating soberenya,” pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa kanilang virtual press conference kahapon.

Inayunan din ito ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate kaya nanganganib umano ang seguridad ng Pilipinas dahil madali na para sa China na maisagawa ang pag-eespiya gamit ang DITO Telecommunity.

“This reflects ng dalawang mukha o Janus face ng Duterte administration na ipinagkakanulo nito ang ating pambansang soberenya,” ani Zarate kaya dapat aniyang bawiin ang pinirmahang kasunduan sa third player sa Telco industry.

Ayon naman kay ACT party-list Rep. France Castro, mistulang nagpapaka-ignorante ang DND na hindi gagamitin ng China ang DITO Telecommunity sa pag-eespiya sa Pilipinas.

“Sinasabi nila (DND) na pagtatayo lang ito ng tower. Ano ba sila ignorante na itong tower na ito ay hindi magagamit sa pag-eespiya? Nangaganib ang ating national security dyan,” ani Castro. (NELSON S. BADILLA/BERNARD TAGUINOD)

144

Related posts

Leave a Comment