ISINIWALAT ni Batangas Rep. Leandro Leviste Legarda na posibleng may koneksyon si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at ilan sa kanyang appointees sa mga kontraktor ng mga proyekto ng ahensya.
Sa isang press conference kahapon, sinabi ni Legarda na galing mismo sa kanyang mga kapwa kongresista ang impormasyon, kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa flood control anomalies kung saan maraming mambabatas ang nadadamay.
“I heard that Secretary Dizon and his team have connections with contractors. In the interest of transparency, they should disclose all of their connections and any knowledge they have on possible kickbacks from DPWH projects,” pahayag ni Legarda.
Matatandaang pinalitan ni Dizon si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at agad na nagpatupad ng malawakang pagbabago sa ahensya — pinag-resign ang matataas na opisyal kabilang ang mga regional at district engineers at pinalitan ng sarili niyang mga tao.
“I am asking Sec. Vince Dizon to disclose any and all of his and his team’s connections with current, past, or potential future contractors of DPWH projects. Kung hindi, hindi matatapos ang katiwalian,” dagdag ng kongresista.
Habang nasa gitna ng presscon, may tumawag kay Legarda at narinig na iginiit niya sa kausap na dapat pantay-pantay ang alokasyon ng proyekto sa lahat ng distrito at mawala ang katiwalian sa ahensya.
Sinabi rin niya sa kausap na bawasan ang presyo ng mga proyekto dahil naniniwala siyang overpriced ang maraming infrastructure projects ng DPWH.
“As I’ve said in the presscon, I really don’t know who’s the contractor in your team, but if you can ask them and come clean to the public, then that would be a sign of real change in DPWH,” ani Legarda sa kanyang kausap na tinukoy niyang “taga-DPWH.”
Pagkatapos ng tawag, sinabi ni Legarda na nangako ang kanyang nakausap na aalamin kung may mga opisyal o appointees sa DPWH na konektado sa mga kontraktor.
“At least the response is — kung meron man, tatanggalin nila. Siyempre, dapat walang kontraktor na nagtatrabaho sa DPWH,” giit ng kongresista.
/Idinagdag pa niya na nararapat ding ilantad ng mga bagong appointees ang mga usapan nila sa mga kontraktor upang maipakita ang tunay na reporma sa ahensya.
(BERNARD TAGUINOD)
