MABAGO man ng panahon ang paninindigan para sa ating kasarinlan ay tungkulin hindi lamang ng iilan, at pananagutan ito ng bawat Pilipino.
Bahagi ito ng mensahe ng Kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa Gilberto Teodoro para sa Araw ng mga Bayani.
Ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa ay nakikiisa sa sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani.
“Sa araw na ito, tayo ay nagbabalik-tanaw sa katapangan at kagitingang ipinamalas ng ating mga bayani na nanindigan at nagbuwis ng buhay upang makamtan ang kalayaan at kasarinlan ng ating minamahal na Pilipinas,” ani Sec Teodoro.
Ayon sa kalihim sa kanyang mensahe ngayong ginugunita ang National Heroes Day, “Nagbago man ang panahon, ang ating adhikain ay hindi nagbabago—ang mapangalagaan at mapanatili ang isang malaya, maunlad, at nagkakaisang Pilipinas.”
“Manatili nawang buhay sa ating puso at kamalayan ang diwa ng kabayanihang likas sa ating mga Pilipino. Ang paninindigan para sa ating kasarinlan ay tungkulin hindi lamang ng iilan, ngunit pananagutan ng bawat Pilipino.”
“Ang ating mga OFWs, healthcare workers, mangingisda, atleta, at guro na ilan lamang sa ating mga itinuturing na makabagong bayani ay patunay na ang bawat isa ay may kakayanan na makibahagi sa pagtataguyod ng ating adhikain.”
“Ating bigyang pugay ang mga sakripisyo at kadakilaang pinamalas ng mga bayani ng nakalipas sa pagtataguyod ng ating kasarinlan sa nararapat, marangal, at mapayapang pamamaraan; tungo sa isang Pilipinas na kailanma’y hindi pasisiil kaninuman.”
Kaugnay nito, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) na iwagayway ang watawat ng Pilipinas sa mga pampubliko lugar ngayong Agosto 25, 2025 bilang paggunita sa National Heroes Day, sang-ayon sa Republic Act No. 9492.
Sa pamamagitan ng Memorandum Circular 2025-085, hinikayat ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang lahat ng governors, mayors, at barangay leaders na tiyakin ang proper and prominent display ng bandila ng Pilipinas bilang simbolo ng pagkakaisa at nasyonalismo, ayon na rin sa panawagan ni President Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pagpapakita ng patriotism and civic responsibility.
“This year’s theme, ‘Isang Diwa, Isang Lahi, Isang Bayanihan,’ highlights the bravery of Filipino heroes, both known and unknown, who fought for freedom and dignity,” ani Sec. Remulla.
(JESSE RUIZ)
161 