DOBLE KARANG BATAS

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

MABALASIK pa rin ang ating pambansang kamao, Manny Pacquiao, sa kanyang ginawang pagbabalik sa boxing ring pagkalipas ng apat na taong pamamahinga. Bagama’t kinapos si Manny upang maagaw ang WBC world welterweight crown mula sa Amerikanong si Mario Barrios – 115-113 ang score ng isang judge na pumapabor kay Barrios at dalawang judge naman ang nagbigay ng parehong 114-114 score – nakita ng buong mundo na nananatili ang lakas at husay ng ating kababayan sa kabila ng kanyang edad na 46. Trenta anyos lang si Barrios.

Kahit ang sikat na artistang si Sylvester “Rocky Balboa” Stallone ay nagpakuha rin ng litrato kasama si Manny bago nagsimula ang boksingan nila ni Barrios. At sa Instagram ni Stallone ay isinulat niya ito: “Good luck to the incredible warrior Manny Pacquiao! Truly an amazing fighter!”. Ibang lebel talaga ang popularidad ng ating kababayang boksingero.

Ngunit mas lalong nakagugulat ang kinitang salapi ni Manny sa loob ng 36 na minutong pakikipagpalitan ng suntok sa kanyang katunggali. Batay sa mga ulat, posibleng umabot sa $17 million to $20 million o P979.8 million hanggang P1.1 billion ang maaaring kitain ni Manny. Ang malaking bahagi nito ay mula sa porsyento niya sa “pay-per-view” operators dahil sa dami ng mga nagbayad mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig upang mapanood nang live ang boxing na ginanap sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas nitong nakaraang Sabado.

Nakabawi na siya sa kanyang ginastos sa nakaraang eleksyon – lumanding lang siya bilang pang-18 sa labanang senador – na batay sa news reports ay umabot sa P28 million ang kanyang gastos sa kabuuan ng kampanya. Maliit lang ito kumpara sa P179 million na balitang nagastos ni Senadora Camille Villar. Hhmmm…pero paano naman kaya ito mababawi samantalang P347,888 lang ang buwanang suweldo ng senador sa Pilipinas? At sa buong 6 na taon na termino ng senador, susuweldo lang siya ng P25 million. Alam na kung paano at saan babawi ang mga nanalong senador. Tanga lang ang hindi nakaiintindi!

Iwanan na natin ang nakasusukang pulitika at bumalik tayong muli sa boksing.

Batay sa pahayag ni Manny pagkatapos ng laban, handa siya sa muling pagsasalpok nila ni Barrios dahil humihiling siya ng rematch. Interesado rin siyang makaboksing muli ang kanyang kakontemporaryong si Floyd Mayweather na retirado na. Maliwanag na kwarta na naman ito kapag natuloy ang mga balak na sagupaan. Madaragdagan pa ang kanyang kayamanan na tinatayang nasa $220 million (mahigit P12 billion) na nalikom niya sa pagboboksing. Siya lang ang boksingero sa buong mundo na naging tsampiyon sa walong dibisyon.

Naiisip ko nga minsan… dapat pala ay naging boksingero na lang ako sa halip na peryodista. Nakup! Hindi pala pwede. Sa sapok pa lang ni kumander ay natutulala na ako! Bwahaha!

##########

Usaping kuwarta pa rin. Sa isang desisyon, sinabi ni Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen na hindi parehas ang implementasyon ng batas sa ating bansa kaugnay sa pagsusugal. Inihalimbawa niya na bakit itinuturing na bawal na sugal ang “cara y cruz” samantalang pinahihintulutan ng pamahalaan ang mga casino at lalo pa itong dumarami kasama ang mga legal na “online gaming” o “online gambling”?

Nabasa ko ang reaction ni Reynold Bilon Villania, retiradong police major at abogado, na aking sinusubaybayan sa Facebook. Nagpahayag siya ng pagpanig sa posisyon ni Justice Leonen.

Sa kanyang post ay sinabi niya: “Matagal ko nang sinasabi na anti-poor ang anti-illegal gambling operation ng PNP sa mga police station dahil ito ay ginagawa lamang natin dahil sa accomplishment at hindi naman talaga dahil sa tamang konsepto ng criminal justice system. Mali kasi ang objective ng mga pulis na nakaangkla sa statistics at hindi sa tunay na kahulugan ng criminal justice.”

Ibinahagi ko ang kanyang post sa aking Facebook bilang pakikiisa sa kanyang paniniwala.

Doble kara talaga ang batas natin sa sugal. Kapag sugal lupa – cara y cruz, tatsing, dice, tong-its, pares, bakrat – na barya-barya lang ang tayaan pero bakit araw-araw naman ang panghuhuli ng mga pulis? Samantalang ‘yung mga sugal sa air-conditioned na casino na libo-libo at milyong piso ang tayaan, may sekyu at may libreng toma pa ang mga sugarol at minsan ay may eskort pang hagad na lespu na naka-wangwang?

##########

Napapailing ako sa panukalang batas ni Robin Padilla (Sensya na kayo. Nahihirapan kasi akong tawagin siyang Senador) na ibaba ang edad ng mga taong sasampahan ng kasong kriminal sa balak na pag-amyenda sa Republic Act (RA) No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006. Layunin ni Robin na alisin ang criminal liability exemptions ng mga edad 10 hanggang 17 kapag napatunayang nakagawa ng heinous crimes tulad ng parricide, murder, infanticide, robbery with homicide, rape, at drug-related cases sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Gusto niyang kasuhan na parang ordinaryong kriminal kahit 10 taong gulang pa lamang hanggang 17.

Sampung taong gulang na bata? Tumutulo pa nga ang uhog nito at merong hindi pa kayang magsolo sa madilim na kwarto dahil natatakot… kakasuhan na at ikukulong?

Batay sa maraming pag-aaral, ang mga kabilang sa edad na ito ay hindi pa sapat ang isip kumpara sa isang matanda. Hindi pa nila alam ang konsekwensa ng kanilang mga ginagawa.

Ang mga nasa edad na ito na natitimbog ng pulisya dahil sa pagsasagawa ng mga bawal sa batas ay kadalasang biktima ng mga matatanda na nagtutulak sa kanila upang gumawa ng lisya at mali. Sangkot pa rin dito ang iba pang mga personal na mga kadahilanan kaya bulnerable sila sa pagsasamantala katulad ng dinaranas na kahirapan, karahasan at pananakit sa kanila.

Ang nararapat na pagtuunan ng pamahalaan ay ang pagsugpo sa mga nakababahalang sitwasyon sa paligid na pinaghaharian ng mga nagsasamantala sa mga biktimang nasa murang gulang pa lamang. Hulihin ang drug pushers na ginagawa silang “runners” sa iskoran ng ilegal na droga. Timbugin ang mga taong nagtutulak sa kanila na gumawa ng ilegal kahit pa ang kanilang sariling magulang.

At ilagay sa rehabilitation centers ang mga mahuhuling bata at kabataan upang magabayan sila ng social workers ng gobyerno para hubugin sila at maging responsableng mamamayan. Suportahan ng sapat na pondo ang mga pasilidades na ganito.

Mga bata pa sila. Hindi pa talamak sa kanilang pagkatao ang pagiging kriminal. Bigyan natin sila ng pagkakataon na makapagbagong-buhay at hindi ‘yung itatangkal na agad sila sa kulungan kasama ng iba’t ibang uri ng mga pusakal na kriminal.

Awa at pang-unawa ang kailangan nila at hindi ang kamay na bakal ng estado.

22

Related posts

Leave a Comment