DOBLEHIN ANG PENSYON NG SENIOR CITIZENS

FORWARD NOW Ni REP FIDEL NOGRALES

 

DAPAT bigyan ng buong suporta ang isang panukalang batas na layuning madagdagan ang buwanang pensiyon ng mga senior citizen mula sa P500 patungo sa P1,000.

Ang ating mga senior citizens ay nangangailangan ng iba’t ibang tulong lalo na ngayong may pandemya. Malaking tulong kung madadagdagan natin ang buwanang pensiyon nila na sa kasalukuyan ay kakarampot lang.

Nararapat lamang na itulak ang panukala ni Rep. Rufus Rodriguez, na may-akda ng House Bill No. 7266 na naglalayong baguhin o repasuhin ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 (R.A. 9994).

Bukod sa pagdodoble ng halaga ng buwanang pensiyon na natatanggap ng mga senior citizen, sususugan din ng ilang mga probisyon ang nasabing panukalang batas upang mas maraming mga senior citizens ang makatanggap ng social pension.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD, sa kasalukuyan ay tanging ang mga matatandang mamamayan lamang na “mahina, may sakit o may kapansanan, at walang pensiyon o permanenteng mapagkukunan ng kita o kaya ay kabayaran o tulong pinansiyal mula sa kanyang mga kamag-anak upang suportahan ang kanyang pangunahing pangangailangan” ang kwalipikado para sa nasabing ayudang pinansiyal.

Bunsod ng mga panuntunan at regulasyon na ‘yan, halos 29 porsiyento lamang ng 7.5 hanggang 8 milyong mga senior citizen ang nasasakop at nabibiyayaan ng sustento mula sa gobyerno.

Kailangan mapabilis natin ang pagsasabatas ng panukalang ito na nagpapalawak sa saklaw ng batas na matutulungan ang mas nakararami nating senior citizens.

Malaki ang utang na loob natin sa ating mga nakatatanda na napakaraming naiambag sa pagbuo at pagpapaunlad ng a­ting bansa. Nararapat lamang na kilalanin natin ang kanilang mga sakripisyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta na kanilang kailangan upang sila ay mabuhay ng marangal.

119

Related posts

Leave a Comment