DOH kinalampag ng senador FRONTLINERS, CONTACT TRACERS BAYARAN

HINILING ni Senador Risa Hontiveros sa Department of Health (DOH) na kaagad ipalabas ang hindi nababayarang sahod at benepisyo ng mga health frontliner bilang sukli sa kanilang sakripisyo sa gitna ng corona virus 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na dapat nang ibigay ng DOH ang naantalang sahod at benepisyo tulad ng hazard pay ng contractual na kinalap ng ahensiya upang magtrabaho laban sa COVID-19.

“The best way we can thank our frontliners is to ensure that they receive all the proper salaries and benefits due to them under the law. Ibigay natin ang sweldo at proteksyon na nararapat para sa ating mga health worker bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan at sakripisyo,” ayon kay Hontiveros.

Ipinanawagan ni Hontiveros ang pagbabayad ng sahod at benepisyo matapos maiulat ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga contractual contact tracer na kinalap apat na buwan na ang nakalilipas, na hindi pa nakatatanggap ng suweldo at benepisyo, at mayroon pang napaso na ang kontrata, hindi pa nababayaran.

Hindi rin umano natatanggap ng mga medical worker sa public medical facilities tulad ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na hindi pa nakatatanggap ng hazard law alinsunod sa batas.

Aniya, dapat kumilos kaagad ang DOH at ayusin ang proseso upang tapusin ang months-long delays ng pagbabayad sa medical workers.

Samantala, umapela rin si Senador Joel Villanueva sa pamahalaan na tiyakin na mababayaran sa takdang panahon ang mga contact tracer na kakalapin ng pamahalaan dahil kailangan din nilang suplayan ng pangangailangan ang kanilang pamilya at hindi na makakayanan pang lumubog sila sa utang.

Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na maraming contact tracers na kinalap ng DOH sa pagitan ng Mayo at Hunyo ang hindi pa nababayarang ng kanilang sahod sa kabila na natapos na ang kanilang trabaho.

Nakatakdang mapaso ang kanilang kontrata sa pagtatapos ng buwan ng Setyembre.

“Nakakabahala po itong ulat na hindi pa rin nababayaran ang ilan sa mga contact tracer na naglilingkod sa DOH. Kaya po siguro tayo nahihirapan kumuha ng mga manggagawa kasi hindi po natin sinusuklian ng pagpapahalaga ang kanilang serbisyo,” ayon kay Villanueva.

“Kung may pagkukulang man sa mga requirement nila na dokumento, tulungan po natin silang punuan iyon habang ginagampanan nila ang tungkulin sa paghagilap ng mga contact ng COVID-positive patients,” giit pa niya.

“Because of this problem coming into light, we are not surprised anymore that very few of our healthcare workers in general are not heeding the call of DOH to join their ranks,” patuloy ng mambabatas.

Sinabi ni Villanueva na dapat mapahusay ng health authorities ang pagbabayad at terms of employment ng mga nars na bahagi ng umiiral ng deployment ban sa health workers. Mula sa 600 nurse na direktang naapektuhan ng deployment ban, tumalon na ito sa 2,000 nurses.

Sa ginanap na pagdinig kamakailan, inihayag ng DOH na kailangan nilang kumalap ng 16,500 healthcare workers, at 7,850 lang ang nakuha sa inaprubahang 10,468 slots. (ESTONG REYES)

196

Related posts

Leave a Comment